‘Parking ban’

MALAKING problema ang lumalalang trapiko sa Metro Manila. Apektado nito ang buong komersyo, kalakalan at ekonomiya.

Taon-taon, dumadami ang bilang ng mga sasakyan habang ang mga lansangan, sumisikip at hindi nadadagdagan.

Umaga pa lang lalo na kung rush hour, nakahambalang na ang mga sasakyan sa gilid ng mga kalye at daanan.

Nagdudulot nang malaking abala sa mga motorista dahil inari at ginawa ng parking space ng mga putok sa buho.

Ang mga ginawa ng gobyerno na daanan, ginawang sariling paradahan na kung tutuusin hindi naman nagbabayad ng buwis at nag-i-squat lang.

Bili nang bili ng mga sasakyan, wala namang espasyong pagpaparadahan.

Nagsimula na ang lokal na pamahalaan ng Manila sa kanilang truck ban na kinukuwestyon pa rin hanggang ngayon ng mga gahamang negosyante.

Kung may truck ban, dapat mayroon ding parking ban.

Bawat lokal na pamahalaan, magpasa ng ordinansa na simula alas-5:00 ng umaga hanggang 9:00 ng gabi, walang sasakyang nakahambalang sa mga gilid-gilid ng kalye at lansangan.

Sinuman ang susuway, i-tow agad at ipatubos ang sasakyan. Kikita pa ang mga lokal na pamahalaan.

Hindi yung mismong daanan nakaharang ang mga “basurang” dapat nang ipinatutupi at ipinakikilo sa mga junk shop.

Kaya pati tuloy mga gated subdivision pinapasok na rin at ginawagang alternatibong ruta.

Yung mga residente tuloy na nagbabayad ng sariling buwis, napiperwisyo.

Dapat ang mga lokal na pamahalaan, sa halip na kung ano-anong band aid solution ang isinusulong, gumawa ng ordinansa sa parking ban.

Tingnan natin kung hindi lumuwag ang lansangan.

 

Show comments