May pinagpapala

Mayrong mga taong hindi kumikilos

Ay namamayagpag sa maraming sulok;

Mga tao silang sa biyaya’y busog

Dahil nakalusot sa mga pagsubok

 

At may mga taong kahi’t anong gawin

Hindi makawala sa dusa’t hilahil;

Laging nagdarasal sila’y payamanin

Pero sa tuwina;y bigo at bigo rin!

 

Marahil kung kaya ganito ang buhay

Sinusubok sila ng Poong Maykapal;

Mga nagdurusa’y pinahihirapan

Sa mga nagawa nilang kasalanan!

 

Subali’t ang taong sapul sa simula

Lalo nang panahong sila’y mga bata;

Laging masunurin matapat sa kapwa

Ngayong tumanda na sila’y pinagpala!

Show comments