Balik-biyahe kahapon ang mga naglalakihang truck sa Manila.
Ito ay matapos na pansamantalang itigil ng mga truckers ang ikinasang truck holiday bilang pagtutol naman sa ipinatupad na daytime truck ban ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Banta ng mga ito, tatlong araw lang daw ang kanilang balik-biyahe para lang pagbigyan si Manila Mayor Joseph Estrada na subukan muna ang ordinansa. Hindi pa nga naman nasusubukan ay kinokontra na.
Nais lang daw nilang ipakita sa pamahalaang lungsod ng Maynila ang epektong dulot ng truck ban lalu na sa ekonomiya.
Nagbigay na rin ang pamahalaang lungsod ng Maynila na dagdagan pa ng dalawang oras ang window sa daytime truck ban na mula alas-10 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Ang talagang nasa ordinansa ng daytime truck ban ay alas- 10 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi eh walang tatakbong truck sa lungsod.
Pumalag ang mga truckers, marami ang namagitan para sa magkasundo ang dalawang panig.
Nagbigay ang Maynila, unang nagkaloob ng limang oras na window para daw hindi mabigla ang mga ito. Ang window alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Nag-truck holiday ang mga truckers, ayaw pumayag, hindi raw gagalaw at maapektuhan ang ekonomiya kapag hindi sila nagbiyahe, kaya meron na namang namagitan sa magkabilang panig.
Muling nagdagdag ng window ang Maynila mula alas-10 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, para pagbigyan ang mga truckers habang nag-aadjust.
Ang siste, igigiit pa rin daw ng mga ito na wala na dapat truck ban at bigyan pa sila ng sariling lane.
Susmayorsep naman talaga, mukhang abuso na ang mga ito.
Baka naman sumobra na ang pagbeybi sa mga ito na parang sila lang ang may karapatan sa mga daan.
Aba’y talaga namang isa sila sa pangunahing sanhi sa pagsisikip sa lansangan.
Ang laki nila marahil eh hindi angkop sa makikitid nating daan.
Ang bigat nila eh madalas na siya ring sanhi ng pagkaÂkabaku-bako at pagkasira ng mga daan.
Kung hindi sila susunod, dapat din may ngipin ang mga kinauukulan para maipatupad ang mga batas.
Aantabayanan natin kung ano ang gagawin ng magkaÂbilang panig sa mga susunod na araw, pero sana naman maghari ang kahinahunan at walang takutan.