SA maniwala kayo at sa hindi, 50 container vans na galing sa Canada ang may lamang basura. Kabilang sa laman ang mga plastic, bags, bote ng chemical at adult diapers. Nagulat ang mga official ng Customs nang tumambad ang laman ng container vans. Ayon sa Customs, ang shipment ay dineklarang “plastic scraps†na ire-recycled umano sa Pilipinas. Nagkakahalaga ang basura ng $222,800.15 (katumbas ng P10 milyon). Umano’y isang kompanya sa Valenzuela City ang consignee ng mga basurang galing sa Canada.
Ang Canada ay kilala na taga-sulong at bumabatikos sa mga pumipinsala sa kapaligiran. Aktibo ang Zero Waste Canada para mapangalagaan ang kanilang bansa at ang mundo sa kabuuan. Pero sa nangyaring nagpadala sila nang napakaraming basura (hazardous wastes), lumalabas na pakitang tao lamang ang kanilang paglaban sa mga sumisira sa kapaligiran.
Hindi kaya dumaan sa mahigpit na inspeksiyon ang mga ipinadala nilang basura? Sobrang dami ng mga halu-halong basura. Hindi kaya nila alam na bawal ang mag-shipped ng mga ganitong bagay dahil mapanganib sa buhay ng mga tao. Paano kung mayroong hospital wastes? Kakalat ang sakit dito at walang kalaban-laban ang mga Pilipino. Walang nakaaalam na unti-unti na palang kumakalat ang sakit dahil sa mga basurang imported.
Lagi na lamang pinagtatambakan ng mga basura ang bansa. Noong 2012, isang US Naval ship ang nagtapon ng toxic wastes sa Subic Bay. Sabi ng contractor na nagtapon ng toxic wastes, sumailalim naman daw iyon sa treatment process kaya hindi delikado. Pero nabulgar na wala namang treatment facilities ang barko. Hanggang ngayon, wala nang balita kung pinagbayad ng gobyero ang US Naval ship sa tinapon nilang toxic sa karagatan. Maaaring hindi, katulad din nang hindi nila pagbabayad sa nasirang corals sa ating karagatan nang sumadsad ang kannilang barko.
Tambakan din ng mga lumang sasakyan mula Japan, Korea at China ang Pilipinas. Nire-repair naman ito ng mga sutil na may-ari ng bus company at ibinibiyahe at kadalasang naaaksidente.
Nararapat kumilos ang pamahalaan para hindi pagtambakan ng basura ang Pilipinas. Gawin ito ngayon!