GAANO ba kasama ang taba sa ating mga kinakain? Sa iba, gusto nila ang may tabang kahalo sa kanilang ulam kasi’y mas masarap daw. Sa iba naman, pinangingilagan ang pagkakaroon ng taba sa pagkain. Katunayan, kapag crispy pata, lechon, o bulalo ang ating ulam, lagi nating sinasabing ito’y pampabata. Ibig sabihin, bata tayong mamamatay.
Heto ang ilang benepisyong dala ng fats:
Tumutulong ito para magtrabaho nang maayos ang ating utak at katawan.
Pinagaganda at pinalulusog nito ang ating mga balat at buhok.
Tumutulong ito sa pag-transport ng Vitamins A, D, at E sa ating katawan.
Hindi tayo nagiging magugutumin kapag may taba sa kinain.
Pinasasarap din nito ang ating pagkain (dahilan kung bakit maraming tao ang may gusto ng taba sa kanilang kinakain na adobo, humba, sinigang, at kare-kare).
Pero ang hindi maganda ay kapag naging sobra na ang fats sa ating kinakain. Lahat naman ng bagay, kapag sobra, ay masama sa katawan. Katulad ng taba. Kaya nga siguro nagkaroon ng di magandang reputasyon ang taba.
Habang nagkakaedad tayo, mas nagdudulot nang maÂraming sakit sa katawan ang pagkaing mayaman sa taba. Kapag mataas ang level ng taba sa ating sirkulasyon (pinapatunayan ng mataas na level ng cholesterol at triglycerides sa laboratory tests), kumaÂkapit ito sa loob ng ating mga ugat kaya nagiging makipot ang daluyan ng dugo.
Ano ang epekto nito sa may diabetes?
Kapag may diabetes ang isang tao, mas nagiging malapot ang mga tabang ito kung kaya’t lalong naiipon ang taba sa loob ng ugat. Habang tumatagal at habang nagkakaedad tayo, parami nang parami ang depositong ito ng taba sa loob ng ugat. Kikitid ang espasyong puwedeng daluyan ng dugo at nagsisimulang tumaas ang blood pressure, at tumataas ang panganib ma-heart attack at ma-stroke.
Maging maingat sa kinakain. Let every calorie count, sabi nga. Sa halip na ordinaryong mantika, butter o margarina, gumamit ng olive oil sa pagluluto. Umiwas sa mga de-lata, prito, at iba pang processed foods. At maski sa pagkain ng tsokolate, piliin ang dark chocolate kaysa milk chocolates.