‘Abot kamay’

TUMAWID sa kabilang bundok. Nagroro papunta sa kabilang isla. Ang iba sa kanila ilang oras ang binyahe mula probinsya pa­puntang Maynila mailapit lang ang kanilang mahal sa buhay na may karamdaman.

Kaisa ang programa sa radyo ng  Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO), ang “PUSONG PINOY” ng DWIZ 882 KHZ, umiere tuwing Sabado mula 7:00-8:00 ng umaga, hosted by Atty. Jose Ferdinand Rojas II o “Atty. Joy” at Monique Cristobal sa pagtulong sa mga kababayan nating pasyente na  walang kakayahang magpagamot… walang malayo, walang malapit.

Isa na sa pumunta sa programang “PUSONG PINOY” si Noemi Corpuz, mula pa sa Oriental Mindoro. Inihihingi niya ng tulong ang kapatid na nagkaroon ng Acute Leukemia. Si Dina Encina, 51 taong gulang. Enero 2014, nalamang merong leukemia si Dina. Matapos lagnatin, mamaga ang gums at nagkaroon ng tonsillitis, nahilo siya at dinala sa ospital sa Makati Medical Center. Dito nalaman ang kanyang sakit. “Madalas siyang nahihilo dati. Akala namin dala lang ng pagkapuyat…” ani Noemi.

Ang asawa ni Dina ay Overseas Filipino Worker (OFW) sa Saudi. Matagal na itong hindi nakakauwi. Tatlo ang anak ni Dina. May Congenital Heart Disease naman ang panganay. Sumailalim sa iba’t ibang gamutan si Dina umabot sa Php300,000 ang gastusin nila sa ospital subalit ‘di na rin nito kinaya at namatay ito—Enero 16 kasalukuyang taon. Nagpasa lang sila Noemi ng ‘promissory note’ para mailabas ang bangkay ng kapatid.

“Nanawagan po ako sa tanggapan ng PCSO na kami matulungan na maibigay ang napakalaking tulong para sa bayarin sa ospital. Wala po kaming kakayahang magbayad. Ang kapatid ko naghihirap din ang kalagayan kaya sana matugunan niyo ang aming hinaing at

pakiusap na sana matulungan kami. Maraming salamat po at kayo’y naririyan para sumusuporta sa aming kalagayan,” ani Noemi.

Pumunta rin sa programa si Christian Olitan. Mula pa siya sa bayan ng Allen, Northern Samar. Inihihingi niya ng tulong ang gamutan ng asawang si Lannie Olitan, 37 anyos – dating titser. Na-diagnose itong may Lymphoma.  Buwan ng Hulyo 2013 nang tubuan ng mga bukol sa leeg at tiyan si Lannie.

Pumunta sila sa Philippine General Hospital (PGH) at sumailalim si Lannie sa ‘bone marrow tests’.  Agosto ng lumabas ang resulta. Na-diagnose siyang merong Lymphoma—isang uri ng kanser sa dugo. Buwan ng Nobyembre ng simulang gamutin si Lannie. Pinalala naman ng mga gamot na ininom ang kanyang hika. Dalawang linggo makalipas na- ‘confine’ siyang muli matapos sumailalim sa ‘chemotherapy’. Pinahina nito ang kanyang ‘immune system’. Kasalukuyang nagkaroon ng pneumonia si Lannie. Nasa Chinese General Hospital siya at bumuti na ang kanyang lagay subalit problema niya ngayon ang naiwang bayarin sa ospital.

“Nanawagan po ako sa PCSO, humihingi po ako ng tulong sa hospitalization ng asawa ko at susunod na gamutan para sa chemotherapy niya. Salamat po,” kahili­ngan ni Christian. Mula naman sa Nasugbu, Batangas si Sister Ada Lagrosa. Inilapit niya sa programa ng PCSO ang utang nila sa ospital matapos maaksidente sa ‘single­’ na motor ang 18 taong gulang na kapatid, si Gabriel. Tinamaan ang kanyang lapay o ‘spleen’matapos magkaroon ng pagdurugo sa loob ng kanyang katawan (internal bleeding) sanhi ng pumutok na ugat. Kwento ni Sister Ada, Jan 6, 2014, nasa bakasyon ang kanyang kapatid, noo’y estudyante sa Iloilo, kumukuha ng Agriculture Course, habang binabaybay nito ang  boundary ng Ternate at Nasugbu, Batangas lulan ng single motor bigla itong sumemplang.

“Hindi siya marunong mag-motor dalawa ang angkas  niya si Totoy at isang babae. Biglang liko daw kaya tumumba sila at natamaan ang tiyan niya… naipit,” kwento ni Sister Ada.

Matapos ang aksidente nakauwi pa ng bahay ang kapatid. Dalawang linggo makalipas, Enero 12, dinala na siya sa ospital. Sumakit ang gilid ng tiyan nito, left upper quadrant hanggang dibdib. HIndi na siya makahinga ng maayos at nagsuka. Agad siyang dinala sa pagamutan. Nalamang pumutok ang ugat sa loob ng tiyan ni Gabriel at ang ibang organs niya’y nababad na ng maduming dugo. Kinailangan niyang sumailalim sa dalawang operasyon. Tinanggal ang kanyang lapay at nilagyan siya ng Jackson-Pratt Drain – pagdi-‘drain’ ng tubig sa kanyang baga. Maayos na lagay ng kapatid subalit problema ngayon ni Sister Ada ang naiwang bayarin sa ospital.

“Humihingi po ako ng kaunting tulong sa kapatid ko para makalabas na siya ng ospital. Salamat po at God bless,” sabi ni Sister Ada.

Mula naman sa Sampaloc, Manila si Imelda Batac, 61 anyos.  Hulyo 2013 natuklasang meron siyang bato malapit sa urinary tract.  Kumikirot-kirot ang kanyang tagiliran. Akala niya lamig lang kaya’t nung una nadala sa pagpapahid ng gamot ang kirot. Nang magpa-‘ultrasound’ siya sa isang medical center sa Sta. Ana, Manila nakitang may maliit na bato malapit sa ihian nito. Titignan kung pwede pang madala sa gamot. Binigyan siya ng oral medicines, 350 piraso para matunaw o lumiit ito. Tsinek siya ulit at nakitang kaunti lang ang binawas ng laki kaya’t pinayuhan siyang sumailalim sa laser sa lalong madaling panahon. Aabot ito ng Php40,000. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa “PUSONG PINOY”.

“Alam ko ang bigat ng pinagdadaanan ng mga kagaya ninyong may karamdaman maging ang inyong pamilya. ‘Wag kayong mag-alala narito ang PCSO ang Pusong Pinoy para kayo’y tulungan,” pahayag ni Atty. Joy.

Ilan lang si Imelda, Noemi, Christian at Sister Ada sa mga pasyenteng lumalapit sa PCSO. MAPAPAKINGGAN ang kanilang buong istorya sa programang ‘PUSONG PINOY” tuwing SABADO mula 7:00-8:00AM sa DWIZ882 KHZ, AM BAND.

SA mga may problemang medikal magpunta lang sa 5th floor CityState Center Bldg. Shaw Blvd. Pasig City. Magdala lang ng kopya ng inyong pinakabagong ‘medical abstract’. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. Magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Tumawag sa 6387285 / 7104038.

 

Show comments