NOONG nakaraang taon, umangat ng 7.2 percent ang ekonomiya ng Pilipinas. Pumangalawa sa China. Maraming nasiyahan sa balitang ito. Pero nang lumabas ang survey ng Social Weather Stations (SWS) kamakailan na 12.1 milyong Pilipino ang walang trabaho, maraming nadismaya at hindi makapaniwala. Nasaan na ang sinasabing magandang ekonomiya? Hindi ito tugma sa laging sinasabi ng pamahalaan, gumanda ang ekonomiya ng bansa. Noong 2012, umangat daw ng 6.6 percent ang ekonomiya. Tuwang-tuwa ang pamahalaan sapagkat ngayon lamang umigpaw nang malaki ang ekonomiya ng bansa. Sabi, ang pag-angat ng ekonomiya ay dahil sa maayos at mabuting pamamahala.
Maaring tama na kaya gumaganda ang ekonomiya ay dahil sa maayos na pamamahala pero ano naman kaya ang dahilan at marami ang walang trabaho sa kasalukuyan. Noong Martes na magdaos ng meeting sa Malacañang, maski si President Noynoy Aquino ay nagtaka kung bakit tumataas ang unemployment rate. Hiningan niya ng paliwanag ang mga miyembro ng Cabinet kung bakit maraming Pinoy ang jobless. Katwiran ng isang miyembro ng Cabinet, ang sunud-sunod na kalamidad na tumama sa bansa ang dahilan kaya tumaas ang bilang ng mga walang trabaho. Binanggit ang pananalasa ng Yolanda sa Visayas at pagtama ng lindol sa Bohol.
Ang problema sa unemployment ang nagbubunga ng iba pang problema. Tiyak na tataas ang krimen at marami ang magugutom. Sa nangyayaring ito, dapat nang tutukan ng pamahalaan ang pagpapaunlad sa agricultural sector para makalikha ng mga trabaho. Sa sector na ito maraming makikinabang. Nararapat din namang ibasura ang contractualization. Maraming kompanya ang hanggang anim na buwan lamang ang kontrata sa manggagawa kaya pagkatapos nito wala na silang trabaho. Lalo lang pinarami ng contractuaÂlization ang mga walang trabaho.
Sana, hindi na lang nabalita ang magandang ekonomiya pero sa kabila nito, maraming tambay at walang makain.