Mabuti-buti naman at napansin ng MMDA na isa sa pinagmumulan din ng matinding trapik sa Metro Manila ay ang walang pakundangang road projects ng ilang contractors .
Nagsimula nang manermon si MMDA Chairman Francis Tolentino sa ilang contractor kasabay nang paalala na huwag daw maging bara-bara sa kanilang mga isinasagawang imprastraktura na nakakadagdag at madalas din ay nagiging sanhi ng trapik.
Kung ngayon ay masasabing matindi pa rin talaga ang trapik, eh lalo na itong magsisikip kapag sinimulan na nga ang Skyway 3 project ng pamahalaan na malaking bahagi ng gawaan ang masasakop o maaapektuhan.
Madalas namang kasing hindi nababantayan ng ilang mga contractor ang kanilang mga tauhan sa mga ginagawa sa mga lansangan.
Napapadalas ang mga paghuhukay, ang siste pa, matapos bakbakin ang maayos-ayos na daan, pagkagawa nila iiwanan na lang na may tambak ng lupa at baku-bako. Ang ikakatuwiran iba raw ang gagawa noon. Talaga namang bago maibalik ang dating maayos na kondisyon ng daan, aba’y bibilang ka ng maraming gabi at araw at kapag minalas-malas pa eh tuluyan nang pababayaan.
Hindi lang yan kapag may ginagawa sa kalsada, pati ang mga gamit nila nakabalagbag sa kalsada na nakakadagdag sa masikip na trapik.
Talagang bara-bara ang maraming mga contractors at walang pakialam sa abalang dulot nila sa kalsada.
Napapansin pa rin ng MMDA na hindi tumutulong ang mga contractor sa pagsasaayos ng trapiko at pinauubaya nila sa mga enforcers samantalang kadalasan ang trapik ay nagmumula sa kanilang road project.
Naku talagang marami ganyan, kahit pa ikutin ng MMDA ang mga pangunahing kalye sa Metro Manila ang daming nakatiwangwang na road repair o hukay ang basta na lang iniiwan.