M ABILIS na ngayong kumilos ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Isang araw makaraang maganap ang malagim na trahedya sa Bgy. Talubin, Bontoc Mountain Province kung saan nahulog sa 120 meters na bangin ang Florida Bus, pinatawan agad ito ng LTFRB ng 30 araw na suspension. Hindi makakabiyahe ang mahigit 200 units ng Florida. Noong Sabado, mismong si LTFRB chairman Winston Ginez ang nanguna sa pag-alis ng plaka ng mga bus na umano’y illegal na pumapasada sa Mountain Province. Colorum umano ang mga bus na bumibiyahe sa Mountain Province. Ayon sa LTFRB ang plaka ng naaksidenteng bus ay nakarehistro sa bus ng Mountain Province Cable Tours. Ayon naman sa pamunuan ng Florida, nabili nila ang mga bus na pag-aari ng nabanggit na tour bus company noong nakaraang taon.
Kung ganito kabilis umaksiyon ang LTFRB sa mga naaaksidenteng bus, magkakaroon ng pagbabago at mababawasan ang mga malalagim na aksidente. Mag-iingat na ang mga bus company sa pagkuha ng mga drayber, at regular na pagmi-maintain ng kanilang mga bus. Ayon sa kuwento ng mga nakaligtas na pasahero ng Florida, nawalan ng preno ang bus habang palusong sa kurbadang bahagi ng kalsada. Sa isang iglap, bumulusok ang bus at 14 ang namatay na pasahero at ikinasugat ng 20 iba pa. Kabilang sa mga namatay ang dalawang dayuhan at ang komedyanteng si “Tadoâ€.
Ipinakita na rin ng LTFRB ang pagkilos nang mahulog sa Skyway sa Parañaque ang Don Mariano Transit Bus noong Disyembre 16, 2013 na ikinamatay ng walong pasahero at ikinasugat ng 30 iba pa. Agad sinuspinde ng LTFRB ang operasyon ng Don Mariano at makaraan ang isang buwan, kinansela na ang prankisa nito.
Kamakalawa, sorpresang binisita ng LTFRB ang garahe ng Nova Bus sa Caloocan City at nakita ang mga paglabag --- kalbo ang mga gulong, basag ang salamin at walang kaukulang prankisa o colorum ang mga bus. Tinanggal ang mga plaka ng colorum.
Kung magkakaroon pa ng regular at sunod-sunod na pag-iinspeksiyon ang LTFRB sa mga bus company, tiyak na mababawasan ang aksidente. Sana, hindi ito ningas-kugon lamang.