Paggabay ng magulang (2)

ITO ang karugtong ukol sa pagpapalaki ng mga bata na hindi kinakailangan ang pagpaparusa.

1. Kapag ang bata ay sinigawan mo na, parang nagsasara ang kanilang mga tainga at wala silang pinapakinggan na. Kaya bago itama ang kanilang maling pag-uugali, tingnan sila, hawakan, iparamdam na itatama mo sila at hindi “tatamaan.”

2. Maglagay ng limitasyon. Mahalaga pa rin ang may mga rules na sinusunod. Sa bahay unang natututunan ng bata ang pagsunod sa authorities, mga nakakataas at ang pagrespeto sa kanila. Kailangang maituro mo ito sa kanila sa pamamagitan ng mga simpleng house rules. Subalit, kahit pa may mga “batas,” dapat ay may kaunti pa rin silang ginagalawan. May mga non-negotiables pero baka naman minsan ay maaari silang pagbigyan at palusutin ng kaunti.

3. Tandaan na ang pag-misbehave ay pagpapakita ng pangangailangan. Maaaring atensiyon, oras, tulog, laro  o pagmamahal ang hinihingi ng anak mo at dahil hindi pa alam ng murang isip niya kung papaano ito sasabihin ay lumalabas sa ugali. Kung masama ang ugali, marahil ay masama ang loob, ganoon lang kasimple. Kaya para mawala ang ugali kailangang alamin mo ang ugat nito.

4. Say Yes. Kung puro No ang maririnig natin talagang maiinis tayo. Matutong magsabi ng Yes kahit na may mga limitasyon. Kunwari ako kay Gummy, kapag may gusto siyang laruan at nagpapabili lagi ko sinasabing Yes, but on your birthday. O kaya gusto ng ice cream pero gabi na. Yes but tomorrow. Kahit pa No ang tunay mong sagot, mas katanggap-tanggap sa tainga nila ang Yes.

5. Maging 100% present everyday. Sa panahon ngayon napakahirap na maging present ang isip kung nasaan ang katawan mo. Maaaring kasama mo nga ang anak mo, naglalaro kayo pero cell phone ka naman nang cell phone o nag-i-Instagram o Facebook. Hindi ka pa rin 100% present. Hindi naman din maiiwasan kung marami talagang trabaho, pero maglaan ng kahit 30 minuto na talagang nakatutok ka lang sa kanya at wala kang ibang hawak at iniisip. Magpakabata, makipagkuwentuhan at makipaglokohan sa anak mo.

Dalawang salita lang ang bottom line ng ating diskusyon: Positive reinforcement. Kung gustong matuto ang bata ng mabubuting bagay, mabuting pamamaraan ang ipakita.

 

Show comments