Uok (57)

“NAWALA po ang kuwintas ni Gab habang siya ay nasa probinsiya. Na­laglag po habang siya ay nasa batalan at naliligo,’’ sabi ni Drew kay Basil.

Nakatingin lamang si Basil. Naguguluhan sa re­belasy­on ni Drew.

“Yung kuwintas po ay nakita ng aking Tiyo sa ilalim ng batalan at ibinigay naman sa akin. Ako na raw po ang mag-ingat. Pero lingid kay Tiyo, alam ko nang kay Gab ang kuwintas. Kaya po pinagtiyagaan kong hanapin si Gab at hindi naman ako nabigo. Maski po si Gab ay hindi na umasang maibabalik pa sa kanya ang kuwintas. Kaya po nang sabihin ko sa kanya ay hindi siya nakapagsalita. Gulat na gulat po si Gab nang sabihin kong nasa akin ang kuwintas. Iyon po ang simula ng aming pagkikilala. Pero noong nasa probinsiya po ako ay hindi niya ako napapansin. Kasi’y masyado siyang busy. Lagi pong umaalis ng bahay. Dito na lamang kami nagkakilala sa Maynila.’’

“Hindi ko alam na nawala ang kuwintas.’’

“Hindi nga po niya sinasabi dahil baka magalit ka raw. Regalo mo po raw ang kuwintas.’’

“Oo. Binili ko sa Riyadh. Medyo mahal din ang kuwintas dahil Saudi gold.’’

“Oo nga raw po.’’

Napabuntunghininga si Basil. Nang muling magsalita ay lalong naging seryoso.

“Kung ikaw ay nasa probinsiyang pinuntahan ni Gab, ibig sabihin ay taga-roon din ang daddy mo. Doon galing ang angkan n’yo.’’

“Opo, taga-Oriental Min­doro po ang daddy ko pero dito na siya naninirahan. May mga pinsan po kami roon.’’

“At ang bahay ng pinsan mo ay kalapit ng aming bahay?”

“Opo. Si Tiyo Iluminado po. Siya po ang tinitirahan ko kapag nagbabakasyon.’’

“Iluminado? Siya ba yung may kapatid na nagpakamatay?”

“Opo. Renato po ang pa­ngalan. Nagpakalunod daw po sa Ilog Pola.’’

“Oo. Siya nga.”

“Kilala mo po si Renato.”

“Oo. Isa siya sa mga pi­nagkasalahan ko…’’ sabi at itinakip ni Basil ang palad sa mukha.

Natahimik sila. Nasasagot na ang mga katanungan ni Drew. Si Basil at si “Uok” nga ay iisa.

“Marami akong kasalanan, Drew. Pero nagsisi na ako,’’ sabi ni Basil.

Natahimik sila.

(Itutuloy)

Show comments