Namatay na Puerto Rican boxer, ibinurol na naka-posed sa ring!

MARAMING na-shock sa pagkamatay ng Puerto Rican boxer na si Christopher Rivera Amaro. Binaril ang 23-anyos na si Amaro ng mga hindi nakilalang lalaki sa Santurce city at wala pang naaaresto hanggang sa kasalukuyan. Si Amaro ay may record na 5-15 record sa 130-pound weight class.

Marami ang nakiramay at dumalaw sa burol ng boksingero. Marami rin ang nagulat sa kakaibang burol ni Amaro. Nakita nila ang boksingero na naka-pose sa ipinasadyang ring, may yellow hood sa ulo, naka-sunglasses at may asul na glab. Ang porma ay parang lalaban.

Sabi ni Elsie Rodriguez, vice president ng Marin Funeral Home, ang pamilya ng boksingero ang may gusto niyon. Gusto raw nila na maalala si Amaro sa propesyon nito. Mahal na mahal daw ni Amaro ang boxing.

Ayon kay Rodriguez, mara­ming oras daw ang kanilang ginugol para magawa ang makeshift ring.

Ayon pa kay Rodriguez, hindi ito ang unang kakaibang burol na ginawa nila. Noon daw ay isang lalaking patay na nakasakay sa motorsiklo ang ginawa nila.  (Hinango sa ulat ng AP)

Show comments