Kung may bato sa apdo (gallstones)

ANG apdo (gallbladder) ay nasa dakong likod ng ating atay. Mahalaga ang apdo dahil nagpupundar ito ng likidong kung tawagin ay “bile” upang tumulong sa pagtunaw ng pagkain tungo sa small intestine. Kakampi natin ang “bile” na ito. Para makapunta sa small intestine ang bile, dadaan ito sa tubong tinatawag na “bile duct”. Nagkakaroon tayo ng problema kapag ang bile duct na ito ay nabarahan ng gallstones. Puwedeng mamaga ang apdo kapag nangyari ito.

Ang gallstones ay mga namuong kristal ng cholesterol na naipon sa apdo. Puwedeng pino ito na parang mga buhangin o puwedeng buo-buo na mistula talagang bato na nakikita natin sa kalye. Madilaw ang kulay ng mga batong ito (kung cholesterol crystals ang pinagmulan ng bato). Pero minsan, hindi cholesterol crystals ang pinagmumulan ng bato sa apdo. Puwedeng namuo ito dahil sa pagtining (precipitation) ng calcium at bilirubin. Kung ganito ang mangyayari, hindi madilaw ang bato kundi maitim. “Pigment stones” ang tawag dito.  

Namumuo ang mga batong ito sa loob ng apdo kapag ang atay natin ay nagpundar ng sobra-sobrang kolesterol, ang likidong “bile” sa loob ng apdo ay natatalo ng sobrang daming kolesterol (normally, ang kolesterol na ito ay kayang-kayang lusawin ng “bile”). Kapag nangyari ito, ang sobrang kolesterol ay magsisimulang mamuo sa loob ng apdo. Cholesterol crystals kung tawagin ito. Naiipon ito sa loob. Mula sa maliliit na particles ng cholesterol, puwede itong magdikit-dikit hanggang magkimpal-kimpal at mamuong parang bato.

Puwedeng manatili ang mga batong ito sa loob ng apdo o puwedeng makalabas sa pamamagitan ng bile duct (yung daanan mula sa apdo patungo sa small intestine). Pero kung makitid ang bile duct o kung may may bara dito, maiiwan na rin doon ang batong ito, at hindi na makadadaloy ang “bile” kapag kumain tayo (at kailangan na ang tulong ng bile sa panglusaw sa kinain). Mamamaga ang apdo kapag nangyari ito. Puwedeng maimpeksyon ng bacteria.  

Sinasabing mas madalas magkaroon ng bato sa apdo ang mga kababaihang may katabaan na edad 40 pataas. Tandaan ang 3F (Female, Fat, Forty) para sa panganib nang pagkakaroon ng bato sa apdo. Ang mga kalalakihan man ay puwede ring magkaroon ng bato sa apdo.

Show comments