PITONG buwan na sa puwesto si Manila Mayor Erap Estrada subalit napupuna ng mga Manilenyo na mukhang wala pang natutupad sa mga ipinangako niya noong nangangampanya. ‘Ika nga bokya pa ang accomplishment niya. Sinabi ng mga kosa ko na nagpakamatay sila sa pagsuporta kay Erap noong Mayo subalit dismayado sila dahil iba sa lumalabas sa bunganga niya noon ang mga nangyayari ngayon sa Maynila. Ang pinaka-matindi pa, ang lahat halos ng pagka-pitsaan sa Maynila ay pinag-agawan ng kampo nina Erap at Vice Mayor Isko Moreno at wala nang natira para sa taga-Maynila. Bastusan na ‘to! ‘Yan ang komento ng mga matatandang Manilenyo sa liderato nina Erap at Isko. Ang ibig sabihin ng mga kosa ko, na-invade na ng taga-San Juan ang Maynila at siyempre ang mga alipores na ni Erap ang nagpakasasa. Naghari-harian na rin si Jude at sidekick na si Tiger at ang lahat ng ilegal ay halos pinasok na nila. Hehehe!
Sa unang salpukan, natuwa ang taga-Maynila dahil lumuwag ang trapiko sa mga panguna-hing lansangan matapos itaboy ni Erap ang mga kolorum na mga sasakyan. Subalit sa ngayon ba nakararanas pa kayo ng luwag ng trapiko sa Maynila? Hindi, di ba? Hindi lang bumalik ang mga bus, kundi pati ang bangketa ay ibinenta na sa vendors. Aywan ko lang kung alam ito ni Isko? Habang naglipana ang vendors sa mga bangketa, gumana na rin ang tong collectors at araw-gabi kung kumana. Alam kaya ito ni Isko? Sa Tutuban naman, kumalat na ang orange tent at ang balita ng mga kosa ko, P100,000 ang bayad sa bawat puwesto. At walang huli ng pulis ang orange tent. Tiyak, hindi si Isko ang nasa likod nito. Ang plaza sa Moriones ay balak ding lagyan ng vendors. Hehehe! Ano ba ‘yan? Kanya-kanyang raket lang talaga ‘yan!
Ayaw din ni Erap ng sugal subalit kahit saang sulok ng Maynila pumunta ay hitik ng pasugalan. Ang Tondo sports complex ay venue na ng tupada. Nag-agawan din itong sina Ferdie Sy at SPO4 Gener Presnedi alyas Paknoy ng mga butas na iniwan ni Maynila bookies king Apeng Sy. Di ba SPO4 Roberto “Obet’ Chua Sir? Pumasok na rin ang jueteng operation ng isang alyas Viceo ng Bulacan na ang bukambibig ay ang kumpare n’yang si Erap. Meron na ring saklaan sa Maynila na ayaw payagan noon ni dating Mayor Fred Lim. At higit sa lahat, hindi naman natinag ang video karera operation ni Gina Gutierrez, ang bookies ng karera nina Delfin Pasya alyas Daboy, at ni Jeff na kapatid ni Guia Gomez-Castro sa Sampaloc. Kung pasugalan din lang ang pag-uusapan, “You name it, Manila have it.†Hehehe! Hindi lang pala sa pelikula magaling sa pitsa si Erap, di ba mga kosa?
At nagulat ang mga Manilenyo nitong nagdaang mga araw ng salubungin sila ng biglaang pagtaas ng realty tax ng mga ari-arian nila. Kapag nagbayad ka, bibigyan ka ng teller o cashier ng numero at babalik ka pagkatapos ng isang linggo dahil i-assess pa nila ang babayaran mo. May mga cashier o teller na tumaanggap ng xerox copy ng mga titulo at meron naman na ang gusto ay ang original copy. Hehehe! Hindi sila synchronized kumilos no mga kosa? Ang balita ng mga kosa ko 60 percent ang itinaas ng realty tax ng Maynila sa taon na ito, 40 percent sa 2015 at 100 percent sa 2016. Ang pagbenta ng bangketa, paglipana ng pasugalan at pagtaas ng realty tax kaya ang paraan ni Erap para «ibangon†ang Maynila? E taga-Maynila rin ang pinahihirapan ni Erap, di ba mga kosa? Bakit kaya panay ugong ng pangalan ng kumpare ni Erap na si Jaime Dichavez sa halos lahat ng kontrata o negosyo na pinasok ng City Hall? Grabe, grabe, grabe na talaga ‘to! Abangan!