Mabuting Samaritano

NOONG nakaraang linggo, napabilang ako sa isang social experiment kung saan gumanap na pulubing maysakit at ibinebenta ang pinakamamahal na aso sa halagang P300 para may maibili ng gamot at pagkain. Sa pamamagitan ng staged skit, sinubukan namin kung may mga Good Samaritan na tutulong sa akin. Bibilhin ang aking aso subalit hindi ito kukunin dahil alam nilang nakadepende rin ako sa aso.

Nilagyan ako ng prosthetics para pumangit ang aking mukha, mga sugat sa braso at paa, initiman ang balat para magkulay taong-grasa, dinumihan ang damit, binutas-butasan. Nilagyan ng saklay at iika-ikang maglakad. Lahat ng ito para magmukhang kahabag-habag na may kapansanan at matinding pangangailangan.

Pumuwesto ako sa may labas ng simbahan na maraming taong dumaraan. Kailangan mahanap ko kung saan tumatambay ang mga mayayaman kasi para sa kanila ay barya lang ang P300.

Wala pang 30 minutos ay dinumog ako ng tulong ng mga naglalakad sa bangketa, mga estudyante at tindera. Lahat sila ay tulong lang ang ibinigay at iniabot sa akin. Walang intensiyong bilhin at kunin mula sa akin ang aso. May nag-abot ng tubig. Napahagulgol ako dahil bakas ang awa ng mga tao sa akin. Ang mapangutyang mga matang diring-diri sa isang pulubi na hindi mo alam kung mangkukulam dahil sa hitsura. May ilang umiiwas bago ko pa man sila lapitan. Pero di naglaon, isa-isa na silang nag-abot ng tulong.

Ang unang tumulong sa akin na napiling Good Samaritan ay isang 19 na taong gulang na dalagang nagngangalang Samantha Capricho. Halagang P150 ang ibinigay niya sa akin. Kulang pa ng P150 upang mabuo ang P300 na kailangan ko. Pero ang punto rito ay makahanap ng indibidwal na bukal sa loob ang pagtulong, na walang hinihinging kapalit, kahit hindi niya alam kung sino ang tinutulungan niya.

Matapos ang ekperimento, natuklasan naming si Samantha pala ay P150  lang talaga ang laman ng bulsa at ang lahat ng iyon ay ibinigay sa akin. Kasama niya ang tiyahing may Downs Syndrome at galing sila sa City Hall dahil nag-apply ng PWD Card. Umalis siya ng bahay na P170 ang pera. Ang P20 ay ibinili ng sampaguita mula sa batang naglalako at ang P150 ay ibinigay sa akin. Wala na siyang itinira. 

Maraming aral akong natutunan sa karanasang iyon:

Ang kakayanang tumulong sa kapwa ay hindi mo maaaring ibase sa panlabas na kaanyuan o yaman. May mga mayayaman pero hindi matulungin. Habang may mga kapos pero malugod ang pagtulong.

Ang ipinakita ni Samanthang pagtulong ang nais ng Diyos na tularan natin. Madaling magbigay kung mayroon ka, o may matitira pa sa iyo. Pero ang magbigay kahit alam mong wala nang matitira sa iyo, iyon ang tunay na diwa ng pagtulong sa nangangailangan.

Alam ng Panginoon ang pangangailangan natin. Nasunugan sila Samantha at kailangan nila ng pampatayo ng bahay. Marami silang magkakaptid at nag-aaral pa at maraming pangangailangan. Ginamit ng Diyos ang pagkakataong ito upang maipakita Niya ang Kanyang kapangyarihang ibigay ang ating pangangailangan sa oras na kailangan natin ito.

Kapag tumulong ka ng walang inaasahang kapalit, ikaw ay mabibiyayaan, higit pa sa iyong inaasahan!

               

 

Show comments