Sa nagdaang taon

Sa nagdaang taon lahat nang sakuna

Naranasan natin at tayo’y lumuha;

Sa Bohol at Cebu lindol ay tumama

At sa lakas nito’y maraming nasira!

 

Nawasak ang mga bahay tao’y nangamatay

Nabiyak ang lupa bagsak mga tulay;

Kaya hanggang ngayon maraming lupaypay

Di pa makaahon sa buhay na luray!

 

Kaya ngayon na bagong taon na

Sana ay wala nang mangyaring trahedya;

Ang lindol at bagyo ay umiwas sana

Saan man sa mundo ay hindi tumama!

 

Ngayong taong ito’y ating idalangin

Lahat nang sakuna huwag nating danasin;

Gawaing masama ay iwasan natin

Upang ang panahon bumait sa atin!

Show comments