Halata na ang pagiging makitid ng Philippine National Police (PNP ) para lutasin ang mga krimen sa kanilang nasasakupan. Nakakatawa at nakakainis ang panukala ng PNP-NCRPO na ipagbawal sa shopping malls ang pagsusuot ng sombrero, sunglasses dahil ganito raw ang porma ng mga holdaper sa SM-North EDSA, Quezon City kamakailan.
Napakalayo ng kanilang solusyon at gusto pang idamay ang mga mahilig magsuot ng sumbrero at sunglasses. May mga nagsusuot ng sumbrero para itago ang numinipis na buhok at nagsusuot ng sunglasses dahil sa maaring puyat at namumula ang mata.
Walang pinag-iba sa nauna nilang panukala na ipagbawal sa bus drivers at conductors ang paggamit ng cell phone dahil ito ang ginagamit ng mga holdaper ng bus. Ngayon naman dahil nakasumbrero at naka-sunglasses ang mga holdaper sa mall ay nais ipagbawal ang pagsusuot nito.
Baka sa susunod ay ipagbawal na rin ang pagpasok ng mga taong mukhang holdaper at hindi gagawa ng mabuti..
Bakit hindi gawin ng PNP ay arestuhin at kasuhan hanggang maipakulong ang mga nangholdap sa SM. Nakikita ng publiko ang kahinaan at kakitiran ng PNP sa paglutas ng krimen. Kung anu-anong kababawan ang naiisip ng mga ito..
Obligahin ng PNP ang shopping malls na magpatupad na mas mahigpit na seguridad. Magdagdag ng mga guwardiya na may kasanayan sa halip na ang tutukan ay ang mga mamimili o pangkaraniwang mamamayan..
Nagkakamal nang malaking kita ang mga shopping mall kaya responsibilidad ng mga ito na protektahan ang customers. Bukod dito, tiyakin ang police visibility sa shopping malls at tiyakin na mayroong alarm system ang mga mall kapag may naglakas loob na mangholdap.
Sana kung mag-iisip ng solusyon ang PNP ay gamitan naman nang malalim na pag aaral para sa interes ng mamamayan.