HINDI na nakapagtataka kung laging ibinoboto ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang pinaka-worst airport sa mundo. Ngayong 2013, binoto na naman ng travel website Sleeping in Airports ang NAIA bilang pinaka-masamang paliparan.Noong 2012, binoto na rin ito na pinaka-masamang paliparan. Kabilang sa mga reklamo sa NAIA ay ang kawalan ng tubig sa mga comfort room, marumi ang mga suwelo, suplado ang mga personnel, walang mga upuan para sa naghihintay na pasahero at iba pa.
Ngayon ay maaari na namang maiboto ang NAIA na pinaka-worst airport dahil walang closed-circuit television (CCTV) sa arrival area. Dahil sa kawalan ng CCTV, hindi nakunan ang pagbaril kay Zamboanga del Sur, Labangan mayor Ukol Talumpa at tatlong iba pa. Napatay ang mayor at tatlong iba na kinabibiÂlangan ng isang sanggol. Ayon sa mga nakasaksi, dalawang lalaking naka-uniporme ng pulis at magkaangkas sa motorsiklo ang bumaril sa mayor. Pagkaraang barilin mabilis na nakatakas ang mga salarin. Walang anumang nakalusot.
Kung may CCTV sana, baka magkaroon ng lead ang pulisya at maaring mahuli ang mga salarin. Pero wala ngang CCTV at wala ring airport police sa lugar kaya madaling naisagawa ang krimen. Pero sabi ng NAIA management nasa labas na raw ng arrival area nangyari ang krimen. Sabi pa ng NAIA naka-alerto naman ang kanilang mga pulis.
Nakakahiya ang nangyari na nagkaroon ng pamamaril sa NAIA at may mga namatay. Malaking kaÂsiraan na naman ito sa NAIA at maaring makabawas sa mga magtutungong turista. Kung sa airport pa lamang ay hindi na ligtas, paano pa sa ibang lugar. Magsilbing aral sana sa NAIA management ang nangyari. I-secure ang lugar sa masasamang-loob.