Talagang patindi nang patindi ang nararanasang trapik sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
May mga lugar pa nga na hindi malaman kung bakit nata-trapik eh wala namang kadahi-dahilan kundi ang mga pasaway na driver ng mga pampublikong sasakyan na walang kaabut-abot eh basta na lamang titigil sa gitna ng daan, wala namang traffic enforcers na sa kanila eh sumasaway.
Tanggap naman ng maraming motorista na tuwing sasapit ang ganitong buwan ay asahan na ang masikip na trapik sa daan. Pero ganito na nga ang inaasahan, eh hindi pa umano mabantayan ng mga kinauukulan.
Kung kailan kasi nga grabe ang trapik doon pa kulang o talagang walang enforcer na nagmamando sa trapik kaya lalung nagkakabuhul-buhol.
Sa lungsod lang ng Maynila, dito talagang tumindi ang trapik.
Nang maupo sina Mayor Erap at Vice Mayor Isko, aba’y hindi mapapasubalian na maraming ipinatupad na patakaran para maibsan ang trapik. Bagamat umani ng mga batikos, umani rin naman ng papuri dahil talagang naramdaman ang pagluluwag ng trapik.
Pero ilang linggo lang ang itinagal, dahil ngayon balik na naman sa mabigat na trapik ang maraming lugar sa lungsod.
Sa kahabaan ng Edsa, hindi na talaga nagawan ng paraan ang usad-pagong na daloy ng trapik dyan, at ang pangunahing dahilan ang mga pasaway na hari ng daan na mga pampasaherong bus.
Wala pa ring maayos na sistemang maipatupad dyan sa MMDA hanggang sa ngayon.
Maging sa kahabaan din ng Roxas Boulevard na dati-dati eh maganda kahit papaano ang takbo ng mga sasakyan, ngayon mistulang Edsa na rin ang problema ng masikip na trapik dito.
Idagdag pa ang sangkaterbang ‘badjao’ na nagkalat sa mga daan at nanghihingi ng pamasko.
Ang mga namamasko sa mga lansangan ay isa pa rin sa pangunahing dahilan sa masikip na trapik. Aba’y kahit naka-go na ang mga sasakyan nakikipagpatentero ang mga ito sa pag-iwas kaya menor pa rin ang takbo ng mga behikulo.
Sistema sa pangangasiwa sa daloy ng trapiko ang kailangang palakasin at tutukan ng mga kinauukulan, lalu na nga’t padagdag nang padagdag ang sasakyan habang hindi naman nadaragdagan ang daanan.