NAGLIPANA ang sangkaterbang fixers. Mapa-gobyerno o pribadong tanggapan sa probinsya at sa lungsod hindi nawawala ang mga tumatambay.
Nagkalat sila sa labas ng mga establisimento o nagbabahay-bahay para makapanloko depende sa kailangang pabor o serbisyo ng kanilang bibiktimahin. Ibig sabihin, bago pa nila isagawa ang panlilinlang, napag-aralan na nila ang target.
Nitong mga nakaraang araw, naglabas ng babala ang Philippine Veterans Affairs Office sa mga war veteran na kumukuha ng pensyon. Ayon sa mga empleyado ng Veterans Bank, marami sa hanay ng mga war veteran ang nagrereklamo sa kanilang tanggapan hinggil sa proseso ng kanilang lump sum back pension.
Karamihan umano sa mga nagrereklamo, mga lumapit at nagtiwala sa mga kakilala nila at sa mga estrangherong nag-alok ng kanilang serbisyo. Ang naging transaksyon, sila na raw ang magpoproseso ng pensyon basta may bahagi raw silang makukuha sa lump sum mula sa Veteran Bank.
Sa pagpayag sa boladas na ito ng mga manggagantso, dala na rin ng katandaan, wala silang kamuwang-muwang na nahuhulog na sila sa mga fixer.
Lingid sa kanilang kaalaman, ang ipinagkatiwala nilang mahahalagang dokumento sa mga kolokoy, ginamit na lang pala sa pansarili nilang interes sa pensioner’s back pay.
Pinaaalalahanan ng BITAG ang mga malalapit na kaanak ng mga war veteran, maraming mag-iinteres sa lump sum back pension ng inyong mga magulang o mga matatandang kamag-anak. Huwag magtitiwala sa mga lumalapit na fixer na nagmamagandang-loob at nag-aalok ng umano’y libreng serbisyo.
Sa kalaunan ang inyong hinihintay na benipisyo, sisimutin lang pala ng mga fixer. Ayon sa PVAO, karamihan sa mga kuwalipikadong tatanggap ng lump sum back pension ay mula sa iba’t ibang probinsya. Sila ngayon ang target at binabantayan ng mga kawatan.