Lalaki, nagpa-impress sa nililigawang babae, pero sa kulungan bumagsak!

UGALI ni Jeffery Tyler Siegel ng Jonesboro, Arkansas na magpa-impress sa nililigawang babae. Lahat nang gimik ay ginagawa para hangaan ng babae. Iyon sa palagay niya ang mabuting paraan para madaling makuha ang “oo” ng babae.

Isang araw, nakumbinsi niya ang nililigawan na mamasyal sila sa makahoy na lugar sa isang parke. Pumayag naman ang babae. Wala namang masama kung sumama sa pamamasyal kay Jeffery.

Lingid sa kaalaman ng babae, may gimik na inihanda si Jeffery para mapahanga ang girl. Isang kaibigang lalaki ang kinausap niya na magpanggap na holdaper o masamang-loob at lapitan sila habang namamasyal sa kakahuyan. Kunwari ay papalag si Jeffery sa holdaper at matatalo niya ito. Pumayag ang kaibigan sa plano.

Nang naglalakad na sina Jeffery at babae, biglang sumulpot ang lalaki na naka-bonnet at may hawak na patalim.

Subalit nasira ang plano sapagkat nang makita ng babae ang naka-bonnet at may patalim, tumawag ito sa 911 at agad dumating ang mga pulis. Huli ang lalaki. Ipinaliwanag na gimik lang iyon ni Jeffery.

Pero hindi sila pinaniwalaan at pareho silang dinala sa presinto at inim­bestigahan.

Nagalit naman ang babae sa ginawa ni Jeffrey. Sising-sisi si Jeffery. Hindi na siya gagawa ng gimik. --www.oddee.com--

Show comments