Malaking grupo ng mga holdaper sa bus at taxi ang nabuwag ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD).
Ang grupong ito na pawang mga taga-Bulacan ang siyang lumilinya at madalas na tumira sa kahabaan ng Edsa.
Kaya naman pala sunud-sunod ang nagaganap na bus holdap sa naturang lansangan sa mga nakalipas na araw ay ayun, natuklasang kasabwat ang mga mismong driver.
Magaling ang modus ng mga ito, pero sa kabila nito hindi pa rin sila nakalusot sa operasyon sa kanila ng mga tauhan ng QCPD, timbog ang limang miyembro ng grupo.
Babanggitin natin ang mga pangalan ng mga kawatan na ito na marami-rami na ring naging biktima. Kabilang dito ang driver ng Metro Link bus na si Bobby Bondoc at mga kasapakat na sina Aies Adrales, Roger Alaraz, Aquilino Soriano at Jeffrey Reyes.
Mga palitan ng text sa cellphone ng driver na si Bondoc ang siyang naging lead ng pulisya para madakip ang mga kasabawat sa kanilang pinaglunggaan.
Matindi ang modus ng mga kawatang ito.
Sa paniwala ng pulisya hindi lang isa, dalawa kundi maraming beses nang nakapagsagawa ng panghoholdap ang mga ito sa kahabaan ng EDSA kaya lalung namihasa.
Madalas ay magkasunod at magkaibang bus ang kanilang tinitira, siyempre pa dahil madalas kasabwat nila ang mga driver.
Nagsisilbing mata ang driver sa kanyang mga kasamahan kug marami ang sakay niyang pasahero at malaki ang kanilang mapapakinabangan.
Magsasabihan ito ang mga kasapakat kung saan sila daÂdaanan para magpanggap na pasahero at saka doon na isasagawa ang panghoholdap.
Hindi lang bus, may insidente rin ng ganitong sabwatan sa mga taxi. Kadalasan ipit-gang. Ito yung iniipit ang pasahero sa loob ng mga kasapakat ng driver.
At hindi lang ito sa EDSA kundi sa iba’t ibang kalsada sa Metro Manila.
Kaya nga ang kailangan paÂlakasin ang nagrorondang mga kagawad ng pulisya o ang police visibility lalu sa gabi at hanggang sa mga magmamadaling-araw para kahit papaano ang mabulabog ang mga ganitong grupo ng kawatan.