KAPAG pinagsama ang passion at planning, maraming magagandang bagay ang mangyayari. Pitong benepisyo ang itinala ni Zig Ziglar:
1. Mananatili kang naka-focus sa Diyos. Kung nagpaplano ka at iniaalay at itinataas mo sa Diyos ang iyong mga plano sa buhay, kung gagawin mo ang lubos ng iyong makakaya pero naniniwala ka pa rin at ipinagkakaloob mo sa Kanya ang huling pasya, at mananatili kang naniniwalang ang lahat ng mangyayari ay para sa makakabuti, walang hindi ipagkakaloob ang Diyos sa iyo.
2. Mabubuhay ka na walang kinatatakutan. Kung ipinagkakatiwala mo ang iyong kinabukasan sa Diyos, na nakaaalam ng iyong tadhana, wala kang dapat ikabahala tungkol sa iyong kinabukasan.
3. Ikaw ay mai-inspire. Kapag kargado ang iyong passion, ang pagpaplano mo ay mas bubuti, lilinaw at gaganda.
4. Magsisipag kang magtrabaho. Kung hindi ka magsusumikap, paano mo gagawin ang bahagi mo sa pagtupad ng iyong mga pangarap? Kung ikaw ay may passion at plano para matupad ito, pagsisikapan mong gawing realidad ang iyong pangarap. Malalasap mo ang tamis ng tagumpay kung dadaanan mo ang tinik, sakit at hirap para makamtan ito.
5. Tatanggapin mo ang pagkabigo bilang bahagi ng iyong tagumpay. Hindi mo maiiwasan sa buhay ang mabigo, pero kung babangon ka at matututo sa mga ito, panalo ka pa rin. Mas mayaman ka pa sa karanasan!
6. Mananatili lang may pag-asa. Bahagi ng pagpaplano ang pagsama sa posibilidad ng pagkabigo dahil kasama ang mga ito. Pero planuhin mo rin ang hindi sumuko.
7. Makakamit mo ang iyong potensiyal, na Diyos ang nagkaloob sa iyo. Kapag iniangat mo sa Kanya ang iyong mga plano at nanatili kang puno ng pag-asa at passion, wala kang hindi gagawin at kikilos upang maisakatuparan mo ang iyong ninanais. Masaya ka, masaya ang mga tao sa paligid mo, at kinikilala mo ang kapangyarihan ng Panginoon, diyan mo masasabing natamo mo na ang iyong potensiyal bilang tao.