TANONG lang: Sino itong Tony Bufete na bumabanggit ng pangalan ko sa negosyo niya? Sana sa magandang adhikain. Kapag sa masama, pakisuyo lang Pasay City police chief Sr. Supt. Mitch Filart, Pasay City Sir, arestuhin mo ang kumag na ito at nang mabalasa man lang.
Hindi lang pala illegal gambling ang kinokolektahan ng lingguhang intelihensiya nitong godfather ng pasugalan sa Calabarzon area na si Dodjie Lizarda kundi maging ang mga beerhouse at nightclub at mga tindero ng DVD. Kaya hindi ako magtataka kung mala-Palasyo ang pinagagawang bahay niya sa Biñan, Laguna, di ba mga kosa? Kung tuloy-tuloy ang koleksiyon ni Lizarda sa mga pasugalan, at dadagdagan pa ito ng beerhouse at DVD operators, aba milyones ang maiaakyat niyang pitsa kay Calabarzon police director Chief Supt. Jesus Gatchalian, di ba mga kosa? Kung sabagay, pati Games and Amusement Board (GAB) at mga kasamahan ko sa media ay kinokolekta na rin ni Lizarda kaya kumpleto-rekado na ang sindikato n’ya. Pero takot si Lizarda na ikolekta ang opisina ni CIDG chief Dir. Frank Uyami at tiyak may kalalagyan siya. Mismo! Hehehe! May iniiwasan din pala si Lizarda.
Sa ngayon kasi mga kosa, matining na ang kalakaran ng illegal gambling sa Calabarzon dahil ipinangalandakan ni Lizarda na «Ayos na ang lahat.» Ewan ko lang kung kasama sa ayos na ito ani Lizarda ang opisina nina DILG Sec. Mar Roxas at PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima. Belated Happy Birthday nga pala Sir Alan! Abot n’yo naman mga kosa na merong “no take†policy na kautusan sina Roxas at Purisima subalit mukhang hindi na ito pinapansin ni Gatchalian kung ang lantad na tong collection ni Lizarda ang gagawing basehan. Hehehe! Ang tagal naman ng buwenas ni Lizarda.
Sinabi ng mga kosa ko na tinokahan ni Lizarda ng tig-P3,500 ang mga beerhouse at nightclub sa Biñan at Calamba City at DVD operators sa Laguna kada linggo para sa bulsa ni Gatchalian. Ang mga nilapitan ni Lizarda ay ang operators ng Discovery 2 (LTO), Aurora Club, Scorpion Club, Jhonvory, Barra CKS, 808 Club, at Street Overnight na lahat sa Biñan; Discovery 1, El Maringos, Miss Eye, at Aquarius Massage Clinic sa Calamba City naman. Ang DVD operators na hiningan din ni Lizarda ng tig-P3,500 din para kay Gatchalian ay matatagpuan sa San Pedro, Sta. Rosa City, Cabuyao, Calamba City, Los Baños, San Pablo City, Nagcarlan, Sta. Cruz, Pagsanjan, at Siniloan.
Kung sabagay hindi lang pulis ang may tong collection sa DVD operators kundi maging ang mga abogado sa National Bureau of Investigation (NBI). E hindi naman trabaho ng pulis at NBI ang DVD kundi ng Optical Media Board (OMB), di ba mga kosa?
Ang pinaiikot ngayon ni Lizarda ay si alyas Toto BiÂngot, na pamangkin naman ng nasirang Ben Salandanan. Hehehe! Magulang talaga si Lizarda at ayaw mabilad o mamukhaan, di ba mga kosa? Si Salandanan kung matatandaan mga kosa ay ang tumatanggap ng lingguhang intelihensiya ni Gatchalian sa ATM sa Biñan, subalit nadukot at nilikida ng mga di kilalang kalalakihan. Abangan!