NAGPIPIYESTA ang mga daga habang wala ang mga pusa. Sumasalakay at kanya-kanyang diskarte ang mga masasamang loob. Patuloy sa kanilang modus at pambibiktima, habang ang mga awtoridad ay “natutulog sa pansitan.â€
Nakatawag sa aking pansin ang sumbong hinggil sa talamak na pandurukot sa bahagi ng Sucat, Paranaque.
Walang pinipiling oras at basta nakakita ng oportunidad, mambibikitma.
Isa sa mga dahilan kung bakit malalakas ang loob ng mga kriminal na ito, ay dahil sa kawalan ng mga pulis na nagroronda sa lugar.
Kung tutuusin, laganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga insidente ng pandurukot, nakawan, pananalisi, panlalaslas at panghoholdap na kadalasan pang nauuwi sa madugong krimen.
Hindi lang sa mga madidilim at matataong bahagi ng Sucat, Parañaque naglulungga ang mga masasamang-loob.
Marami nang modus at aktuwal na operasyon ang naidokumento ng aming grupo.
Iisa lang ang punto ng BITAG dito. Pinag-iingat ang publiko partikular ang mga inaabutan ng gabi sa mga madidilim at siksikang bahagi ng lansangan. Mag-ingat at maging mapagmatyag sa inyong kapaligiran.
Tinatawagan ng pansin ng BITAG ang mga pulis na may hurisdiksyon sa mga mandurukot sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila lalo na ngayong Kapaskuhan, kilos-pronto bago pa kayo mabiktima ng mga dorobo!