PARANG lugaw na inaalok sa mga lansangan ang pagnonotaryo.
Sa mga bangketa at labas ng mga tanggapan ng gobyerno, pangkaraniwang tanawin na lang ang nagkalat na mga nagnonotaryo. Mga kolokoy na hindi kinikilala ng Integrated Bar of the Philippines kaya walang kapangyarihang magnotaryo.
Dala ng kakapusan sa kaalaman, marami sa ating kababayan ang kumakagat sa ganitong mga raket. Hindi nila alam ang gusot na idudulot sa kanila sa kalaunan.
Subalit, sa isang police station sa Quezon City, tila legal ang pagnonotaryo. Ang pumapapel at nagseselyo, sekretarya ng isang abogadong nakapirma sa dokumento. Ang kanilang modus, isinasagawa pa mismo sa loob ng station.
Sa pag-iimbestiga ng BITAG, matagal na ang ganitong kalakaran sa police station. Nabatid na isang lehitimong abogado na nagkataon ding isang pulis ang nakapangalan at nakapirma sa notaryo.
Dahil dito, pinuntahan ng BITAG ang lugar. Kumpirmado, ang inirereklamo, napitikan ng aming kamera. Ang mismong nakatalaga pa sa information desk ng police detachment ang nagturo ng lugar kung saan isinasagawa ang instant notaryo.
Sa Rule 7 Sec. 1 Signature and Seal of Notary Public, 2004 Rules on Notarial Practice, mahigpit na ipinagbabawal ang pagnonotaryo sa mga hindi accredited ng IBP. Dapat nasa lugar ang abogado na pipirma sa dokumento kaharap mismo ang kanyang kliyente.
Pero sa reklamong inilapit sa BITAG, ang notaryo, pirmado na pala ng attorney at ang sekretarya na lang ang nagre-release ng papel at naglalagay ng selyo.
Estilong fill in the blanks ang senaryo at hindi na kailangan pa ng anumang identification card.
Ang ibinayad na P100, wala ring kaukulang resibo. Hindi matukoy kung saan at kanino napupunta ang katas ng kalokohang ito.
Pinaalalahanan ang mga lehitimong abogado na nagpapagamit at nakikipagkutsabahan sa sinuman na gamitin ang kanilang pangalan para kumita, tuldukan n’yo na ang kalokohang ito.