LUMALAWAK ang masamang imahe ng PDAF. Ito ay sa gitna ng nakabitin na desisyon sa mga petisyon na isinampa sa Supreme Court na nagnanais ideklarang illegal ang PDAF at DAP na ipinamimigay din sa mga mambabatas.
Maraming grupo na ang nagnanais maideklarang illegal ang PDAF at DAP dahil na rin sa mga pag-abuso rito. Bukod dito ay lumabas din ang pinakahuling resulta ng survey ng Pulse Asia na 8 sa 10 Pilipino ang naniniwalang napunta sa korapsiyon ang 50 porsiyento ng PDAF.
Dahil dito tila hindi na maiiwasan na tanggalin ang PDAF at sa halip hayaan na ang Executive Branch ang magpatupad ng mga proyekto. Kahit pa ideklara ng SC na naaayon sa Saligang Batas ang PDAF, hindi ito magiging lisensiya upang ipagpatuloy ang nasabing sistema.
Ang dapat na manaig ay ang kagustuhan ng publiko. Marami ang naniniwalang napupunta lang sa katiwalian ang pondo na ipinadaan sa PDAF. Kahit pa legal, hindi dapat balewalain ang sintemyento ng publiko na tuluyang maalis ang PDAF dahil sa mga nabunyag na katiwalian. Dapat nang alisin ang PDAF ng mga senador at congressmen.
Hindi naman dapat alisin ang sinasabing pork barrel ng Presidente o ang President’s Social Fund. Napakahalaga nito para sa mga biglaang kalamidad na maaaring magamit sa mamamayan. Wala namang masamang record ito sa publiko.
Dapat nang tanggalin ang PDAF sa 2014 budget. Hindi na kailangan pang dinggin ang paliwanag ng mga mambabatas na mapanatili ang kanilang pork barrel. Hayaan ng mga senador at kongresista na ang Executive Branch ang mangasiwa sa lahat ng pondo ng gobyerno. Bumalangkas na lang sila ng mga batas.