KUNG dito sa Metro Manila tumama ang 7.2 magnitude na lindol na nangyari sa Bohol at Cebu noong Martes ng umaga, maaaring mamatay ang mahigit 37,000 katao at ang pinsala ay aabot sa P2.4 trillion. Ito ay batay sa pag-aaral na ginawa ng Philippine Institute on Volcanology and Seismology (Phivolcs) PAGASA, Mines and Geosciences Bureau at iba pang government agencies sa tulong ng Australian government na pinamagatang Greater Metro Manila Area (GMAA) Risk Analysis Project (RAP). Kabilang sa mga bayan na sinailalim sa pag-aaral ay ang Rodriguez, Angono, Cainta, Taytay at ang Antipolo City.
Sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum na ang powerful earthquake na may magnitude 7.2 at 6.5 ay maaaring magdulot nang malubhang pinsala sa 16,000 katao. Ang pag-aaral ay tumagal ng tatlong taon at pinondohan ng Australian government. Malaki ang maitutulong ng pag-aaral para makapaghanda sa pagtama ng lindol sa Metro Manila.
Maganda naman ang sinabi ng Japanese high school teacher na si Seiji Suwa ng Kobe, Japan nang magÂbigay ng lecture sa Ateneo de Manila University na may kaugnayan sa lindol. Ayon kay Suwa, ang preparasyon ang pinaka-mahalaga sa lahat. Para raw ma-improve ang disaster mitigation efforts, pinakamahalaga ay paghahanda sa pagdating ng lindol at hindi ang pag-react dito. Ayon kay Seiji, nagamit ang kahandaan nila noong tumama ang 6.5 na lindol sa Kobe, Japan noong Enero 1995. Grabe ang pinsala sa Kobe ng lindol.
Pinakamahalaga ang paghahanda sa pagsapit ng lindol. Sa nangyari sa Bohol at Cebu, nararapat paigtingin ng pamahalaan ang pagsasailalim sa earthquake drill lalo ang mga mag-aaral. Ipaalala ang mga gagawin. Kung maaari, isama sa curriculum ang paghahanda at mga gagawin kung may lindol. Dapat mamulat ang lahat dito. Anumang oras, lindol ay maaring maganap.