ANIM na senador na kakampi ng administrasyon ang nakatanggap din umano ng tig-P100 milyon mula sa DAP --- sina senador Allan Peter Cayetano, Antonio Trillanes, Ralph Recto, Sergio Osmeña lll, Teofisto Guingona lll at dating senador Francis PangiÂlinan. Ito ay bukod pa sa kaÂnilang regular na PDAF na P200 million bawat taon. Malinaw na malaking salapi ang tinatanggap ng mga mambabatas lalo na kung sila ay kaalyado ng administrasyon.
Papaano na kung mai-deklara ng Supreme Court na illegal ang PDAF at DAP? Dapat bang managot ang mga senador at kongresista na nakatanggap ng pondo?
Ito ang isang malaking katanungan ngayon habang nakasalang sa pagdinig at pagbusisi ng SC ang legalidad ng PDAF at DAP.
Kung maidedeklarang illegal ang DAP at PDAF, dapat managot ang mga mambabatas kasama si Budget secretary Florencio Abad na umanoy arkitekto ng nasabing pondo na nailihis at naibigay sa mga senador at kongresista mula raw sa savings sa budget ng gobyerno.
Patuloy na nababawasan na ang tiwala ng publiko sa mga senador at kongresista dahil sa PDAF at DAP. Panahon na upang magkaroon muna ng shutdown ang Kongreso.
Kung iiral lang ang delikadesa ay malamang na pangunahan mismo ng mga senador at kongresista ang shutdown. Isara muna ang Kongreso habang nililinis ang sistema ng PDAF at DAP. Pero malabong umiral ang delikadesa sa mga mambabatas dahil karamihan sa kanila ay patuloy na nagmamalinis.
Pare-pareho na silang nabahiran ng pagdududa ng publiko dahil sa pag-abuso sa pondo ng bayan kaya kailangan nilang magpahinga at bigyang daan ang tunay na reporma sa gobyerno. Huwag hayaan na dumating ang panahon na kapag nakita ng taumbayan ang mga sasakyan ng mga senador at kongresista na may plakang no. 7 at no. 8 ay pagbabatuhin.
Sa ibang bansa ay ganito na ang ginagawa ng mamamayan sa pulitiko o opisyal ng gobyerno dahil sa pagmamalabis sa tungkulin.