NOONG 2009 na nag-cruise ang mag-nobyong Nelda at Tomy sa western Mediterranean sakay ng Queen liner, may isa rin palang Pinoy na kasama sa cruise na iyon. Nag-iisa lang ang matandang lalaki, si Alfonso, na bagamat 77 years old ay masigla pa rin ang pangangatawan. Sa pagkukuwentuhan nilang tatlo ay napag-alaman nilang hindi na bumababa sa barko si Alfonso. Ang cruise ay tumatagal ng kalahati hanggang isang buwan. Tuwing matatapos ang cruise, nagbabayad ng panibago si Alfonso. Ang barko na ang kanyang naging tahanan ng ilang buwan.
Mga US citizen ang mga Pinoy na nagkakila-kilala sa barko kung saan ang starting point ay sa California. Si Alfonso ay nag-iisa na sa buhay. Dapat ay sa nursing home siya titira ngunit nang first time siyang mag-cruise, naisip niyang mas mura ang mag-cruise kaysa tumira sa nursing home. Una, ang bayad sa nursing home ay $200 per day samantalang sa cruise ship ay may senior citizen discount siya kaya $135 lang ang kanyang ibinabayad per day. Pangalawa, sa nursing home, pasyente ang turing sa iyo samantalang sa cruise ship, kostumer siya na parang hari ang pagsisilbi sa kanya. Sa barko ay may medical staff din na mangangalaga sa mga pasahero. Idagdag pa rito na nalilibang siya at nakakarating siya sa iba’t ibang lugar. Habang malakas pa ang kanyang pangangatawan at hindi pa siya nagi-ging ulyanin, sasamantalahin niya ang kanyang paglalakwatsa.
Magkaganoon pa man ay nagsisisi si Alfonso na hindi siya nag-asawa kaya walang anak siyang maasahan sa kanyang pagtanda. Noong kabataan niya ay pambababae lang ang kanyang ginawa. Hindi nga niya alam kung nagkaanak ba siya sa mga babaing nakalaro niya sa kama.
Hindi na itutuloy ng mag-nobyo ang planong ipa-abort ang dinadala ni Nelda. Iyon sana ang gagawin nila pagkagaling sa cruise. Hindi pa sila handa na magkaroon ng anak. Ngunit matapos nilang marinig ang kuwento ni Alfonso, nagbago sila ng plano, bubuhayin nila ang kanilang first baby. Hinimas ni Nelda ang kanyang tiyan. “Sorry anak, I love you.â€