ALAM kaya ni President Noynoy Aquino na pinahihirapan ng PCSO ang mga mahihirap na mamamayan na humihingi ng tulong pinansiyal?
Marami ang nagreklamo sa akin na inaabot sila ng tatlong araw sa pagpila sa PCSO. Ayon pa sa mga nagÂrereklamo, madaling-araw pa lang ay nakapila na sila pero inaabot sila ng maghapon para lang makakuha lang ng stub o number para naman sa pagpila nila sa kinabukasan.
Masungit din daw ang ilang empleyado ng PCSO at mga guwardiya. Kung pagalitan na lang ang mga humihingi ng tulong ay ganun-ganun na lang. Ikinakatwiran naman ng ilang mga empleyado ng PCSO na nagsusungit sila dahil sa dami ng mga tao na humihingi ng tulong. Hindi na raw nila makayanan dahil umaabot daw sa mahigit 1,000 ang nagtutungo sa kanila araw araw.
Alam kaya ng mga empleyado at guwardiya na responsibilidad ng kanilang ahensiya na magbigay ng tulong? Ang adhikain nila ay tumulong sa nangangailangan. Hindi masisisi ang mga humihingi ng tulong dahil sa sobrang hirap ng kanilang dinadanas bago makakuha ng tulong pinansiyal.
Sana magkaroon ng express lane ang PCSO sa mga taong mayroong dalang kumpletong papeles samantalang sa mga walang dalang requirements ay sabihan na bumalik na lang kung ayos na ang mga dokumento. Isang empleyado ng PCSO ang nagsabi sa akin na kakaunti lang daw ang tauhan nila na nangaÂngasiwa sa departamento na nagbibigay ng tulong pinansiyal.
Hindi ba ito kayang solusyunan nina PCSO chairperson Margarita Juico at General Manager Jose Ferdinand Rojas?
Madam Juico at Sir Rojas, kung kulang kayo sa staff ay ano ba ang sagot dito? Simple lang, kahit hindi nakapagtapos ng pag-aaral ay ganito ang sagot, e di magdagdag ng tauhan para maging mabilis ang proseso.
Gusto pa yata ng mga ito na mismong si P-Noy ang magbigay ng solusyon sa problema sa PCSO. Magkaroon naman kayo nang maayos na sistema.
Lalong sumama ang loob ng mahihirap na nakapila sa PCSO nang malaman nila na bilyong piso ang nilustay ng mga mambabatas sa pork barrel funds.
Kung hindi maisasaayos nina Juico at Rojas ang sistema sa PCSO, dapat maghanap na si P-Noy nang ipapalit sa kanila. Dahil sa kawalan ng sistema sa PCSO, pati ang Malacañang ay napipintasan dahil dito.