Lampong (420)

KINALAMPAG ni Jinky ang gate. Lumikha nang malakas na ingay ang bakal na gate. Hinawakan niya ang handle­ na bakal at pilit binuksan. Pero nahawakan ni Franc ang kanyang braso at pilit binabaklas sa pagkakakapit sa gate. Pero hindi siya bumibitaw.

“Saklolo! Tulungan n’yo ako! Mga kapit­bahay!” Sigaw ni Jinky at pagkatapos ay kina­lampag pa ang gate.

“Walang tutulong sa’yo rito. Walang pakialaman dito! Halika na!”

Pero mali ang akala ni Franc sapagkat nag-uunahan na sa pagtulong ang mga tambay. Ang ilan ay sumampa na sa pader para matulungan si Jinky.

“Yung babae, gaga­hasain ni Franc Topak!”

“Dali tulungan natin. Baka mapatay ang babae!”­

“Hindi ba’t may ginahasa na yan dito!”

“Oo.”

Biglang lumusob ang mga tambay. Lahat ay umakyat sa pantay taong pader para pagtulung-tulungang bugbugin si Franc.

Pero nakita na sila ni Franc.

“Huwag kayong pa­pasok may baril ako! Ba­ba­rilin ko kayo!”

Pero hindi natinag ang mga tambay at sinugod si Franc.

“Patayin ang manyakis na ‘yan!” sabi ng mga tambay. Nang makababa sila sa pader ay sinugod si Franc. Isa naman ang tumulong kay Jinky para mabuksan ang gate. Nakalabas si Jinky at nagtatakbo sa Miguelin St.

Ang mga tambay ay pinagtulungang bugbugin si Franc. Pero nakapasok sa bahay si Franc at kinuha ang baril. Pagbalik ay pinaputukan ang mga tambay.

Nagkalabu-labo na. Ilang putok pa ang narinig.

Nakita naman pala nina Dick at Rey mula sa roof-deck ang nangya­yaring kaguluhan. Tanaw na tanaw nila ang nangyayaring gulo at pati putok­ ng baril.

“Pareng Rey mukhang may rambulan.’’

“Karaniwan na ’yan dito. Baka mga lasing na.’’

Hanggang sa makita ni Dick ang babaing tumatakbo.

“May babaing tuma­takbo, Pareng Rey.’’

“Baka iyon ang pinag-aawayan?”

Pinagmasdan ni Dick ang babaing tumatakbo.

“Teka, parang kilala ko ang babae, Pareng Rey.’’

“Ha?”

“Parang si Jinky!”

“Sinong Jinky?”

“Asawa ko!”

(Itutuloy)

Show comments