KAILANGAN nating isiping maigi ang ating salita at kilos dahil ginagaya tayo ng ating mga anak. Saan ba nanggagaling ang iyong mga ituturo sa iyong mga anak? Una, sa Diyos, sa pamamagitan ng pagdarasal. Ikalawa, Mula sa iyong sariling mga magulang. Sa haba na ng nilakbay ng iyong mga magulang at dami ng kanilang naranasan, malaki rin ang maitutulong ng kanilang mga advise sa pagpapalaki ng iyong mga anak at ikatlo, sa libro na tinatawag na Rules of Parenting. Dito ko unti-unting natututunan ang tamang pag-handle sa aking lumalaking si Gummy Bear.
Sinimulan ko na ang series na ito ilang buwan na ang nakararaan, at ngayon ay ipagpapatuloy ko. Sana, may mapulot kayong aral.
Hindi sapat ang pagmamahal. Siyempre kailangan ang pagmamahal sa tamang pagpapalaki sa mga anak pero hindi lang pagmamahal ang dapat na itinatanim natin sa kanila. Dapat ay mayroon ding kabalanseng disiplina, kumpiyansang magpasya sila para sa kanilang mga sarili, sariling pagdidisiplina, values, pagpapahalaga sa pag-aari at salapi, pakikisalamuha sa iba at sapat na espasyo upang gumalaw ng kanila. Kasi kung puro pagmamahal lamang ay ibi-baby mo masyado ang iyong anak at hindi ito matututong mag-explore ng kanya at pagtanda ay baka mahirapang makibagay sa iba’t ibang uri ng tao at sitwasyon. Kahit pa mahal natin ang ating mga anak kailangan ay may kaunting pagtitiis sa parte natin na hayaan silang matuto nang kanila.
Ang bawat recipe ay may kanya-kanyang sangkap. Iba’t ibang bata iba’t iba rin ang approach. Bagamat ang inaasam natin ay peaceful at orderly na tahanan, hindi rin natin maaaring gawin na iisang pamamaraan lamang para sa tatlo o apat na mga indibidwal na iba-iba ang personalidad. What works for one child may not work for the other. Huwag mong i-expect na gagana lagi ang iyong formula at method. Tandaan, sa iyong mga anak mayroong at least isa na naiiba sa iba pa. Kailangan mo siyang kilalanin at tuklasin kung papaano iha-handle ang kanyang moods at behavior.