SI Don Alejandro ang pinaka-mayaman sa isang bayan sa Agusan. Ang kanyang driver na si Jaime ay 30 taon naninilbihan sa kanya. Nakailang palit na siya ng kotse ngunit nanatiling iisa lang ang kanyang driver simula noong sumuko siya sa pagmamaneho. Noon kasing kabataan niya, gusto niya ay siya ang magmaneho ng sariling sasakyan.
Isang araw ay hindi nagreport sa kanyang trabaho si Jaime. Isinugod pala sa ospital pagkaraang dumaing ito ng pananakit ng dibdib. Ilang minuto lang ang itinagal sa ospital at nalagutan na ng hininga. Noong oras lang na iyon nalaman ng pamilya na may sakit pala si Jaime sa puso. Kahit mismo si Jaime, ayon sa misis nito, ay hindi alam na may sakit ito sa puso dahil wala naman itong nararamdamang sintomas ng sakit sa puso.
Sinagot ni Don Alejandro ang lahat ng gastos sa pagpapalibing ni Jaime. Pinili ni Don Alejandro na BMW ang funeral car na maghahatid kay Jaime sa huling hantungan. Sa isang driver na tapat na nagsilbi sa kanyang amo, karapat-dapat lang na bigyan ito ng most dignified funeral na maiaalay niya. Lalong nagulat ang lahat ng nakikipaglibing nang makita nilang si Don Alejandro ang pumuwesto sa driver’s seat ng funeral car. Bago pa man sumapit ang araw ng libing, kinausap ng Don ang driver ng punerarya na siya ang magmamaneho ng karo na magdadala ng bangkay ni Jaime sa sementeryo. Ano ba naman iyong ilang oras na ipag-drive niya si Jaime sa huling sandali kumpara sa 30 taon tapat na pagsisilbi sa kanya? Bata pa si Don Alejandro, tinuruan na siya ng kanyang ina na laging maging mabuti sa mga taong nagsisilbi sa iyo, upang suklian ka nila ng mabuti ring pagsisilbi.