Thalia, gustong bumalik sa Pinas para makita si Tunying?

MANILA, Philippines - Inihayag ng Mexican superstar na si Thalia kay Anthony Taberna ang kagustuhan nitong makabalik sa Pilipinas para na rin makita ng personal ang iniidolong mamamahayag sa Tapatan ni Tunying na mapapanood ngayong Huwebes (Agosto 29).

Naging usap-usapan ang hiling ni Thalia mula noong nakaraang taon na maging panauhin ni Tun­ying sa isa sa mga programa nito dahil sinusubaybayan daw niya ang Punto por Punto. Labis naman ang tuwa ni Tunying ukol dito dahil tagahanga din siya ng international superstar.

“Sa edad na 42, para pa rin siyang 24,” kuwento ni Tunying.

Sikat na sikat si Thalia sa bansa noong dekada ‘90 dahil bumida siya sa mga sikat na telenovelang Maria Mercedes, Marimar, Maria la del Barrio, at Rosalinda.

“Sariwa pa sa alaala ko ang pagmamahal at magagandang ngiti ng mga Pilipino. Nakakabigla ang lahat ng ‘yon. Gusto kong bumalik at kung pwede, nais kong umupo diyan sa tabi mo,” hirit ni Thalia kay Tunying sa kanyang panayam gamit ang Skype.

Samantala, laking tuwa naman ng bago at Pinay Maria Mercedes na si Jessy Mendiola nang makaharap at makausap ang orihinal na Maria Mercedes, si Thalia.

“Iyong kasiyahan niya, nagniningning na lahat tayo nahawa. Hanggang ngayon, lahat ng tao mahal pa rin siya kasi napakamapagkumbaba rin niya. Nakakatuwa kasi sa wakas nakilala ko ang tulad ni Thalia,” kuwento ni Jessy.

“Salamat sa’yo Jessy. Hangad ko ang tagumpay niyo. Alam kong gagalingan mo. Sa buong production team at cast, good luck sa Maria Mercedes,” sabi ni Thalia.

Habang magkausap sina Jessy at Thalia, napagtanto agad ni Jessy na marami silang pagkakapareho ni Thalia.

“Malambing siya pero palaban. Ganoon din ako sa totoong buhay. Pagdating sa pamilya, magulang ko, sa mga mahal ko sa buhay, mabait at malambing ako. Pero ‘pag inapi sila, ay teka, iba na, tigre na,” pahayag ni Jessy.

Nagkuwento rin si Thalia tungkol sa Growing Stronger, ang pangatlo niyang libro na naglalaman ng talambuhay niya. Isinalaysay niya rito ang pagmamahal niya sa mga Pilipino.

Tunghayan ang inaabangang paghaharap ng dalawang Maria Mercedes sa Tapatan ni Tunying (TNT) ngayong Huwebes (Agosto 29), 4:15 p.m. sa ABS-CBN Kapamilya Gold.

Show comments