Sa linggong ito ilalabas umano ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang resulta ng kanilang pag-aaral kaugnay sa ipinatupad na Southwest Interim Transport Terminal sa Coastal Mall sa Parañaque City.
Dito magkakaalaman kung naramdaman ang pagluwag ng Edsa makaraan ngang pasimulan ang southwest terminal.
Sinasabing nasa 1,000 bus ang humihimpil na sa southwest terminal partikular nga ang galing sa Cavite na hindi na pinapapasok sa Edsa, bukod pa umano sa mga inooperate na mga kolorum.
Pero ayon sa ilang motorista na naramdaman naman na bahagyang nagluwag ang Edsa matapos ngang simulan sa southwest terminal, lalu na siguro kung yung galing sa north at southeast na mga provincial bus ay hindi na rin payagang padaanin dito, lalu na sigurong maiibsan at masosolusyunan ang trapik na ito sa Edsa.
Yung nga lang , kung sa ipinatupad na southwest terminal eh marami na ang nagreklamo, dapat ngayon pa lang matindi na ang pagbibigay ng impormasyon ng MMDA sa mga susunod nilang bubuksan na interim transport terminal, para hindi na naman mabigla ang mga pasahero.
Pero mukhang unti-unti na rin namang nagiging positibo ang pagtanggap sa naturang interim transport terminal, kung baga unti-unti na ring nasasanay ang marami kahit pa nga isang linggo pa lamang itong ipinatutupad.
Ganito naman talaga sa una, pero kapag nagtagal na, yung mga kalituhan o reklamo ay unti-unti ring nasosolusyunan.
Kung sa Maynila nga lumuwag matapos ipatupad ang bus ban, na inulan din sa una ng sangkaterbang reklamo noong una, pero ngayong nakakasanayan na rin at ramdam naman na may ginhawa sa biyahe.
Aantabay tayo sa ilalabas na resulta o pag-aaral kung malaking tulong ba para maibsan ang trapik ang isinagawang SITT at kung ipagpapatuloy ba ito.