‘Patila-tilang ulan’

TILA isang mangga sa puno na hinihintay mahinog para kusang bumitaw sa tangkay at mahulog.

Ganito ang pakiramdan ng taga Marikina na si Renan Mañalac, 36 taong gulang. Ang ahensiyang humahawak sa kanya ay ang TCI Human Resources na pinamumunuan ni Corazon Ederoso.

“Nagka diarrhea (LBM) lang ako natanggal na ako sa trabaho,” wika ni Renan.

Ika-18 ng Hunyo taong 2013 nang sumakit ang tiyan ni Renan. Tinext niya ang kaibigan at kasamahan sa trabaho na si Jun Tubiera. Tinawagan niya pa ito para kumpirmahin kung natanggap ang kanyang text.

“Naka-note daw doon sa attendance na may LBM ako,” sabi ni Renan.

Matapos gumaling ng dalawang araw, pakiramdam ni Renan nanghihina pa rin siya kaya hindi siya agad pumasok sa trabaho.

June 22, 2013 nang bumalik sa kompanya si Renan mula sa apat na araw na pagkakaliban.

“Pagpasok ko hinold ang duty ko. Antayin ko daw si Ma’am Weng sa agency namin,” kwento ni Renan.

Si Rowena “Weng” Abarquez ang tumatanggap sa mga nag-aapply sa TCI Human Resources.

Nang makapagpaliwanag si Renan kay Weng hinanapan siya ng ‘medical certificate’.

“Sabi ko sumakit ang tiyan ko. At isa pa makukuhanan ba ng medical certificate LBM lang yun?” pahayag ni Renan.

Nang muling ipatawag si Renan may ipinakita itong memorandum mula sa head ng shipping department.

“Nililito niya ako nung binabasa ko kung anong nakasulat sa papel na pinapipirmahan niya. May nabasa akong abandonment of work kaya talagang hindi ako pumirma,” kwento ni Renan.

“Wala lang yan. Report lang yan ng di mo pagpasok,” paliwanag umano ni Weng sa kanya.

“May nakalagay na abandonment of work bakit ko pi-pirmahan? Hindi ako pumasok. Ang alam ko sa ganyan yung pumasok tapos iniwan ang trabaho,” sagot ni Renan.

Sa pagpapakitang naintindihan niya ang nakasulat sa papel, hindi na siya pinilit pang pumir­ma. Pinauwi na lang siya at si­nabihan na hintayin ang tawag ni Weng kung ano ang mapagdedesisyunan. Mag-uusap pa daw ang ahensya at kompanya.

Hunyo 30, 2013 matatapos  ang kontratang pinirmahan ni Renan ngunit wala pa rin siyang tawag na natatanggap mula kay Weng.

Ayon din kay Renan ang kon­ tratang pinipirmahan niya sa TCI Human Resources ay palima-limang buwan lang. Ganito ang kalakaran mula nang magsimula siya noong 2004.

“Kapag na end of contract (endo) na ako pagpapahinga-hin ng labinlimang araw tapos tatawagan ulit kami,” kwento ni Renan.

Sa tuwing pipirma sila ulit kailangan nilang magpasa ng  bagong mga requirements.

Natapos ang kontrata niya noong 2010 hindi siya tinawagan ng TCI para mag-renew kaya nag-apply siya sa iba. Makalipas ang isang taon siya na mismo ang pumunta sa TCI para magtrabaho.

Kinakaltasan din sila buwan-buwan ng panghulog sa Philhealth at Social Security System (SSS). Wala rin daw tala si Renan ng pagliban dahil sayang ang apat­naraang pisong kikitain sa isang araw. May dalawa siyang anak sa kinakasamang si Adora.

“Maraming palya ang SSS at Philhealth ko. Hindi din sila nagbabayad ng holiday pay. Ganun pala ang ginagawa nila mag­huhulog tapos hindi, parang ulang patila-tila,” pahayag ni Renan.

Ito ang naging dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

PARA SA PATAS na pamamahayag tumawag kami sa TCI Human Resources at nakausap namin si Weng Abarquez Human Resource (HR) Officer.

“Yung tungkol sa Philhealth at SSS niya kompleto ang hulog namin dun. 2011 siya nagsimula,” sabi ni Weng. Bayad din daw ang holiday pay at 13th month pay ni Renan.

Para kumpirmahin kung totoo ngang naihuhulog nila ng tama ang benepisyong para kay Renan tumawag kami sa SSS. Nakausap namin si Ms. Lilibeth Suralbo. Ayon sa kanya may mga laktaw ang paghuhulog sa SSS ni Renan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Renan.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung tayo’y nagtatrabaho sa isang kompanya tungkulin nila na tapatan ang ating hinuhulog sa Social Security System (SSS) ganun din naman sa Philhealth. Para kapag dumating ang panahon ng tag-ulan may paying napoprotekta sa atin at may paghuhugutan tayo ng ating paggagastusan.

Sinabi ng TCI Human Resour-ces na kumpleto at walang palya ang kanilang paghulog. Lumabas sa tala ng SSS na may mga laktaw sa paghuhulog buwan-buwan. Sa ginawa nilang ito dahil binabawasan siya ng kontribusyon hindi tinatapatan ng kompanya ito may paglabag sa SSS code ang Republic Act 8282.

Ang sistema naman nila ng hiring na kukuha sila ng emp ng 5 buwan ay pagpapahingahin at kukunin ulit ay isang uri ng circumventing the labor law o iniiwasan nila ano ang nakasaad sa labor code. Subalit naremedyohan yan ng DOLE. Ang isang kawani na kinuha mo ng limang buwan at pinagpahinga mo at kinuha mong muli ay kinukonsiderang pagpapatuloy ng serbisyo niya sa iyo. Kaya’t sila ay matatawag na permanente at dapat nilang matamasa ang lahat ng benepisyo ng isang regular na empleyado.

Kinausap namin si Ms. Lilibeth Suralbo ng SSS at sinabing pumunta siya sa tanggapan nila upang matulungan. Tungkol naman sa reklamo niya sa kanyang ahensya binigyan namin siya ng referral sa National Labor Relations Commission (NLRC) kay Comm. Gerardo Nograles at Comm. Numeriano Villena.

 (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

Sa gustong dumulog para sa inyong problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166(Chen), 09213784392 (Carla), 0919897­2854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari ka-yong lumiham sa pamamagitan ng  email sa tocal13@yahoo.com.

 

Show comments