EDITORYAL - Huwag pag-aksayaan ng panahon ang mga ‘bitbit-droga’

WALANG kadala-dala at wala pa ring nakukuhang leksiyon kaya patuloy ang ilang Pinoy sa pagiging “drug mule” o bitbit-droga. Ito ay sa kabila na apat na Pilipino na ang nabibitay sa China dahil sa pagbibitbit ng droga. Wala pa ring takot o pagkasindak na maaaring sapitin din ang dinanas ng apat na Pinoy drug mules.

Noong nakaraang Linggo, dalawang Pinay ang naaresto sa Hong Kong airport dahil sa drug trafficking. Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nahuli sa kanilang luggage ang 14.5 kilos ng methamphetamine hydrochloride o shabu. Balak nilang dalahin sa Pilipinas ang shabu. Umano’y sa Clark, Pampanga sila bababa mula Hongkong. Ang mga naaresto ay edad 31 at 27 at hinihinalang magkapatid. Ayon pa sa DFA, ang shabu na ipupuslit ay nagkakahalaga ng P60 million.

Agaran namang sinabi ng DFA na nakahanda silang magbigay ng ayuda sa mga nahuling “bitbit-droga”. Inatasan na raw ang consular office sa Hong Kong para alamin ang kalagayan ng dalawang Pinay.

Laging ganito ang senaryo, kapag may nahuling Pinoy na nagbitbit ng droga sa ibang bansa ay tutulu-ngan ng gobyerno. Isa ito sa dahilan kaya malakas ang loob ng mga Pinoy na magbitbit ng droga. Mayroon silang inaasahan na makikiusap para mapababa ang kanilang sentensiya o kaya ay maligtas sa kamatayan. Kung laging ganito ang gagawin ng gobyerno, lalo pang darami ang susubok na magbitbit ng droga. Kapag nakalusot sa unang bitbit, uuliting muli hanggang sa mahuli na ng mga awtoridad.

Nang itakda ang pagbitay sa apat na Pinoy drug mules sa China, kandarapa ang pamahalaan sa pakikiusap sa Chinese government. Si Vice President Jejomar Binay ang nagtungo sa China para makiusap sa lider ng China. Pero hindi pinakinggan ang apela at binitay din ang mga Pinoy.

Dapat magkaroon ng matigas na babala ang pamahalaan sa sinumang Pinoy na magbibitbit ng droga na wala silang aasahang tulong. Alam naman nila na kamatayan ang parusa sa drug trafficking. Nararapat nang itigil ng gobyerno ang pag-ayuda sa mga Pinoy na magbibitbit ng illegal na droga.

 

Show comments