Mukhang kahit anong puna at mga reklamo ang gawin sa ipinatupad na bus ban sa Maynila ay hindi matitinag ang pamahalaang lungsod sa pagpapatupad dito.
Aba’y kasi, mukhang sa nangyayari mas marami na ang natutuwa dahil sa maluwag at magaan na daloy ng trapiko sa pagpasok sa lungsod.
Yung bang mga dating pasahero na katakutakot ang reklamo noong una, pero ngayon mukhang unti-unti nang nasasanay sa paglipat ng mga masasakyan at marahil eh ramdam din nila na mas mabilis na silang nakakarating sa kanilang patutunguhan.
Bagamat hanggang sa ngayon ay nagkakaroon pa rin ng ilang kalituhan sa pagpapatupad, nakikitang nagtatagumpay ang Maynila sa kanilang pangakong sosolusyunan ang matinding trapik sa lungsod.
Maginhawa talaga ngayon ang biyahe kumpara noon.
Isusunod na raw ang mga kolorum na jeep at ang mga kuliglig at padyak na naglipana sa mga main road para tuluyang lumuwag ang trapik dito.
Sa kabila pa nga ng mga batikos, mukhang gumaya na rin ang lungsod Pasay na ang target ngayon sa kanilang lungsod ay walisin ang mga kolorum na tricycle at mga illegal terminal.Ito para rin maramdaman ang maluwag na daloy ng trapiko.
Sa susunod na linggo, ipapatupad na rin interim bus terminal sa mga provincial buses na inaasahan ding magpapaluwag sa Edsa.
Siguradong marami na namang reklamo ang matatanggap dito ng MMDA, pero kung talagang nakakatulong huwag na lang pansinin ang mga pagbatikos, hindi maglalaon matatanggap din yan at makakasanayan na rin, ang maÂhalaga makikita ang magandang resulta sa mga nakakarami.
Dapat na rin sigurong gumawa ng kanilang mga programa ang mga bawat lungsod, para makatulong sa pagsolusyon sa problema sa trapiko sa Metro Manila. Dapat lang kasi, talagang may ngipin sa pagpapatupad, gawa o aksyon ang kailangan at hindi lang puro dada.
Siguradong may mararaÂting at may kakahinatnan kapag ganito.