Bakit tayo ngayo’y maraming problema
Hindi tulad noong tayo’y masagana;
Ngayon ay masdan mo saanman mapunta
Mayama’t mahirap kapwa nagdurusa!
Silang mayayama’y walang kasiyahan
Marami ng pera’y takot sa tahanan;
Ang pangamba nila ay gayon na lamang
Sa dami ng pera’y baka manakawan!
Mga dukha nama’y laging nasa labas
Naghahanapbuhay at nangungulimbat;
Sa hangad kumita ng kaunting pilak
Kahi’t kapitbahay kanyang inuutas!
Kaya ang problema ngayo’y susun-suson
At ito marahil dala ng panahon;
Dahil sa lumaki mga populasyon
Problema ng tao ang mabuhay ngayon!