NGAYON ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni President Aquino. Marami ang nag-aabang sa talumpati ni P-Noy lalo na ang mga polisiya at tatamaang opisyal sa ilang ahensiya ng gobyerno.
Isa sa nais marinig nang marami ay ang tungkol sa MayÂnilad at Manila Water at ang rigodon sa MWSS. Batay sa reports, dehado ang taumba-yan sapagkat ang nabigyan diumano ng pabor ay ang dalawang water concessionaires. Taliwas ito sa paliwanag ng administrator ng MWSS na maayos daw ang kanyang pamumuno. Naisulong daw ang mga reporma at nalinis ang anomalya. Naituwid daw ang mga baluktot na patakaran lalo na ang paglustay sa pera ng ahensiya.
Hindi naman maipaliwanag ng MWSS sa publiko kung bakit ibinigay nito sa Maynilad at Manila Water ang garantiya ng kita ng nasabing kompanya. Pati ba naman lahat ng gastusin at responsibilidad sa pagbabayad ng buwis ay customers ang nagbabayad batay sa natuklasan ng grupong Water for All Refund Movement (WARM).
Naghugas kamay ang MWSS at sinabing ang laman ng kontrata ay hindi raw makatarungan. Hindi dapat ipagyabang ng MWSS ang mga sinasabing reporma dahil responsibilidad nila ito para protektahan ang interes ng publiko. Kung maari lang idemanda ng customers ang MWSS, Maynilad at Manila Water dahil sa pagsasamantala sa publiko. Magandang maibibigay na pampalubag loob sa publiko ay ang dagliang pagpapatupad ng rigodon sa MWSS. Sibakin ang mga empleadong hindi karapat-dapat sa tungkulin.
Naniniwala ako na hindi papayagan ni P-Noy na maagrab-yado ang mga customers ng Maynilad at Manila Water. Tiyak na masigabong palakpakan ang makukuha ni P-Noy kung iaanunsiyo sa SONA ang balasahan sa MWSS at iparebyu ang kontratang pinasok nito sa dalawang water consessionaires. Anumang pagpapaliwanag ng Maynilad at Manila Water ay walang pakialam ang publiko. Masaklap ay sobra-sobra ang paniningil na sana ay magpatupad ng refund sa lalong madaling panahon.