Sa nangyayari na namang kontrobersiya sa loob ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan nagbabaÂtuhan ng mga akusasyon ang mga opisyal at tauhan ng ahensya, ang nagpipiyesta sa ganitong mga pangyayari ay ang sindikato ng droga.
Hindi nga ba’t malaking dagok sa isang ahensya ang ganitong mga pangyayari, kaya siyempre pa ang natutuwa eh yung mga taong dapat sana’y mapagtuunan na ng kanilang operasyon.
Hindi lang naman ngayon nangyari sa naturang tanggapan ang malagay sa ganitong mga kontrobersiya, bago pa maupo si PDEA director general Arturo Cacdac Jr., sa panahon pa man ni dating PDEA chief Dionisio Santiago ay naakusahan din ng kung anu-ano ng mismong tauhan sa ahensya.
Naging successor ni Santiago si Jose Gutierrez Jr., na hindi rin halos nagtagal sa puwesto matapos naman na magkapalitan rin ng akusasyon sa kanyang dinismis na subordinate.
Ngayon, isa na namang agent sa ahensya sa katauhan ni Jonathan Morales ang naglabas naman ng mga akusasyon laban sa kasalukuyang PDEA chief.
Inaakusahan kasi ni Morales si Cacdac na inutil umano sa paglaban sa mga sindikato ng droga sa bansa.
Tanging maliliit na grupo lamang ang ino-operate sa panahon nito at ang mga malalaking sindikatong kadalasang kinasasangkutan ng mga dayuhan eh iyon ang hindi nilalabanan.
Pinabulaanan naman ito ni Cacdac na nagsabing walang basehan ang mga pagsisiwalat ng kung-anu-ano ni Morales. Inamin nito na hindi rin niya binigyan ng malalaking operasyon si Morales dahil sa wala siyang tiwala rito.
Matitindi ang banat at akusa ni Morales kay Cadcac, gaya rin ng mga pag-akusa ng kanilang mga tauhan noon kina Santiago at maging kay Gutierrez.
Kung tutuusin, madaling magsabi nang ganito at ganon, madaling salita, madaling gumawa ng akusasyon at mga pagbubulgar.
Yun nga lang kailangan marahil na sa bawat pagbuka ng bibig na kung ang layunin ay para sa ikabubuti ng ahensya o ng isang opisina dapat ay may kaukulang matibay na ebidensya na susuporta sa mga isiniwalat.
Mahirap naman kasi na puro akusasyon na lamang na wala namang katibayan.
Hindi lang naman kasi ang apektado ay ang taong pinaparatangan kundi ang kredibilidad at tiwala ng taumbayan sa ahensyang kanyang pinamumunuan.