‘Bonding time’

MALIIT ang kinikita ni Dani bilang messenger sa isang accounting firm sa Makati. Naisip niyang ipagpatuloy ang kurso niyang accountancy upang umasenso at lumaki ang kinikita. Tatlong semester lang ang kanyang bubunuin para tapusin ang kurso. Nang magsimulang mag-aral sa gabi ay bihira na niyang makasalo ang kanyang mag-ina. Pero ang lagi niyang sinasabi sa mga ito: Kaunting sakripisyo, para tayo umasenso.

Nang makagradweyt at nakapasa sa board exam, si Dani ay nakapasok sa isang malaking kompanya. Tatlo na ang anak niya noon na pulos nag-aaral sa mamahaling private school. Habang lumalaki ang mga bata, lumalaki ang kanilang pangangailangan. Kaya ang ginagawa ni Dani ay laging nag-o-obertaym. Lalong naging imposible na mag-bonding silang mag-anak. Pero ang lagi niyang sinasabi: Kaunting sakripisyo para tayo umasenso. Darating ang araw na magkakasama-sama rin tayo.

Ngunit naghangad pa si Dani ng mas mataas na pinag-aralan, kumuha siya ng kursong Law. Bihirang-bihira na niyang makita ang mga anak at asawa. Pagka-gradweyt ng Law at pagkapasa sa bar exam, siya ay nagtrabaho sa isang sikat na Law firm. Palibhasa ay matalino, pinag-aral siya ng kompanya sa Amerika kaya lalo siyang nawalan ng oras sa pamilya.

Pagkaraan ng tatlong taon ay natapos niya ang pag-aaral sa Amerika at umuwi siya sa Pilipinas. Ipinangako niya sa sarili na huli na niyang pag-aaral iyon. Magtatrabaho na lang siya upang may matira pang oras para gugulin sa kanyang pamilya. Isang buwan siyang humingi ng bakasyon sa kanilang kompanya bago sumabak sa trabaho. Tamang-tama na summer vacation ng kanyang mga anak at yayayain niya ang pamilya na magbakasyon sa ibang bansa para mag-bonding.

Umaga, ready na ang lahat patungo sa airport ngunit hindi pa rin gumigising si Dani. Pumasok sa kuwarto ang isang anak upang gisingin ang ama. Walang kakibo-kibo ang ama. Hindi talaga magising. Hinawakan ng anak ang pulso ng ama. Isang malakas na sigaw ang bumalot sa buong kabahayan: Daddddy !!!

Kung kailan handa na siyang makipag-bonding sa pamilya, saka naman nakatulog siya nang wala nang gisingan.

 

Show comments