Howard Schultz, ang nagpasikat ng Starbucks
MULA sa mahirap na pamilyang Jewish si Howard Schultz na nakatira sa housing project ng Brooklyn, New York. Basta’t may kakabit na housing project ang iyong address sa New York, lalo na kung ito ay nasa Brooklyn, senyales iyon na nasa area ka ng mga “puritang†(slang sa poor) New Yorkers. Nakakita siya ng “butas†upang makatakas sa kahirapan sa pamamagitan ng sports. Lahat ay pinag-aaralan niyang laruin—basketball, football at baseball. Naging mahusay siyang manlalaro sa football kaya binigyan siya ng scholarship sa University of Michigan. Nakatapos siya ng degree sa communication.
Naging sales representative muna siya ng Xerox. Tapos lumipat siya ng ibang kompanya at naging general manager sa Hammarplast, ang manufacturer ng Swedish coffee at taga-suplay sa mga coffee shop. Minsan ay binisita niya ang isang kliyente sa Settle, ang Starbucks. Humanga siya sa kompanya dahil sa malawak nitong kaalaman tungkol sa kape. Gumawa siya ng paraan upang makalipat sa Starbucks at nagtagumpay siya. Siya ang naging Director ng Marketing. Minsan sa kanyang business trip sa Italy, nakita niya ang kakaibang concept ng coffee shop dito — sa bawat kanto ng mga kalye ay may coffee shop at hindi lang ito ginagawang inuman ng kape kundi meeting place ng mga magkakaibigan.
Pagbalik sa Settle ay nag-suggest siya ng mga pagbabago sa Starbucks. Gusto niyang gayahin ang konsepto ng coffee shop sa Italy. Pumayag ang may-ari ngunit sa mga piling branches lamang. Hindi pa sila handa para ipatupad ang pagbabago, nationwide. Feeling frustrated, nagbitiw sa trabaho si Shultz at nagtayo ng sariling coffee shop. Pagkaraan ng dalawang taon ay ibinenta ng may-ari ang Starbucks kay Shultz. Nagsimulang kumalat ang branches ng Starbucks sa buong mundo dahil sa kanyang magaling na pamamahala. Naging owner din siya ng professional basketball team sa NBA, ang Seattle SuperSonics mula 2001 to 2006. Noong 2012, ipinahayag ng Forbes magazine na siya ang 354th richest person sa US na may net worth na $1.5 billion.