BAGAMAT nagbigay na ng paliwanag ang Malacañang, hindi pa rin agad na matatapos ang ilang pagpuna ng maraming kawani sa ibang ahensya ng gobyerno kaugnay sa ginawang pagkakaloob ni PNoy ng P10K anniversary bonus sa mga tauhan at opisyal ng DPWH nang ipagdiwang nila ang ika-115 anibersaryo noong nakalipas na Huwebes.
Aba’y marami kasi ang namangha nang mismong si PaÂngulong Noynoy pa ang nagpahayag sa pagkakaloob ng naturang bonus.
Bagamat malaking tulong ito sa mga ordinaryong empleyado ng ahensya, gayunman, marami ngayon ang pumalag na kawani naman ng ibang ahensya na dapat daw sila rin ay mabigyan ng ganitong kalaking anniversary bonus.
Tila natuwa raw ang Pangulo sa naging pagbabago sa ahensya na ngayon daw ay nawawala na ang bansag ditong ahensyang korap.
Ayon naman sa ibang kawani ng ibang ahensya na kung baga, eh may tinitingnan at may tinititigan daw ang Pangulo. Ibig lang nilang sabihin, iba na raw ang paborito.
Kung sinasabi raw ng Malacañang na hindi na bago ang ganitong pagbibigay ng anniversary bonus, ayon sa marami, wala raw silang natatandaan na iba pang binigyan ng anniversary bonus na ahensya ang Pangulo.
Isa pa rito ay kung kailan daw nalalagay sa gitna ng kontrobersiya ang ahensya ay saka naÂbigyan ng ganitong benepisyo.
Hindi nga ba’t sa mga nakalipas na araw ay lumubog sa matinding pagbaha ang Metro Manila. Isa ang DPWH sa itinuturo ng MMDA na dahilan kaya lumala ang baha sa mga lansangan dahil sa mga hindi nila natapos na mga konstruksyon at mga nabinbing programa sa drainage system. Anong pagbabago raw ba ang naganap?
Hindi maiaalis na magtampo ang ilang ahensya, dahil sila man daw ay nagdiriwang ng kanilang anibersaryo pero walang ganitong ‘biyaya’ na ibinibigay sa kanila ang PanguloÂ.
Sa una pa lamang, marami na ang humula na lilikha ng kontrobersiya ang pahayag na ito ni PNoy sa anibersaryo ng DPWH.
Pero malamang kung sino ang susunod na magdiriwang ng anibersaryo, at ang guest ay ang Pangulo, baka sakali na mabigyan din kayo, masabi lang na wala silang kiniÂkilingan o paborito.