Hindi puwedeng magsenador ang walang milyones

MALAKING katanu­ngan ngayon ay kung papaano babawiin ng mga kandidato sa nakaraang eleksiyon ang ginastos nila sa nakaraang elections. Nailabas na ng Comelec ang listahan ng mga kandidatong senador na may pinaka-malaking ginastos sa kampanya.

Nakakalula ang ginastos ng mga kandidatong senador bagama’t pinagdududahan pa ang ilan dito. Baka raw sad­yang pinababa pa ang idinek­larang ginastos upang hindi lumampas sa itinakdang P156 million sa bawat kandidatong senador.

Ang nanguna sa mga kandidatong senador na gumastos ng mahigit sa P150 million ay si Jack Enrile subalit natalo.

Sumunod na may pinaka-malaking ginastos ay si JV Ejercito, P138 million; Cynthia Villar, P131 million, Allan Peter Cayetano, P131 million; Nancy Binay, P128 million, Sonny Angara, P120 million; Chiz Escudero, P100 million; Loren Legarda, P83-million at Koko Pimentel, P75 million.

Nakapaglalaway ang mga milyunes na ginastos ng mga kandidatong senador. Paano kaya babawiin ng mga nanalong senador ang ginastos sa eleksiyon? Ang suweldo lang ng mga senador ay mahigit sa P45,000 bawat buwan.

Sa mga inilabas na figure ng Comelec sa mga ginastos ng mga kumandidatong senador, malabong magkaroon ng pag-asa ang mga mahihirap na mamamayan na maging senador. Dapat mayroong milyunes na gagastusin sa pangangampanya.

Kung sabagay, napakaraming allowances at benefits ang tinatanggap ng mga senador at ang mahalaga ay ang pagiging isa sa makapangyarihan sa bansa.

Dahil sa sobrang gastos sa eleksiyon, malabong may mahalal na mahirap na mamamayan bilang senador. Ang posisyon ay para lang sa mga mayayaman at kilalang personalidad.

Show comments