MARAMING nakakapuÂna na tila mabagal ang pagÂlalabas ng resulta ng imbestigasyon sa pagsabog noong Biyernes ng gabi sa isang unit ng 2 Serendra condominium sa Bonifacio Global City, Taguig.
Talagang mabagal kung iku kumpara sa nangyaring Boston marathon bombing sa U.S. kung saan makalipas ang tatlong araw ay agad na natukoy ang suspek. Napatay ang isa at naaresto ang isa pa. Hindi dapat ikumpara ang bilis ng imbestigasyon sa Boston. Kumpleto sa kagamitan ang U.S. samantalang dito sa bansa ay kapos sa kagamitan.
Agad sumugod si President Noynoy Aquino at DILG secretary Mar Roxas sa lugar. Maraming nagulat kung bakit mabilis na nagpunta si P-Noy subalit ayon kay Roxas, nais lamang nitong pakalmahin ang sitwasyon.
Nang may sumabog sa Glorietta noong 2007, hindi raw bomba ang dahilan ng pagsabog kundi methane gas. Ang Glorietta at Serendra ay ari ng Ayala Land. Maraming nagduda sa findings sa Glorietta. May naghinala na pinagtakpan ng gobyerno upang maisalba ang nasabing kompanya. Kahiya-hiya naman sa gobyerno kung lilitaw na binomba ng mga terorista ang mall.
Sana, lumabas agad ang resulta ng imbestigasyon sa nangyari sa Serendra. Ayon naman kay P-Noy, walang mangyayaring takipan sa kasong ito. Dapat lang dahil karapatan ng mamamayan na malaman kung ano ang tunay na dahilan ng pagsabog. Ito ba ay sanhi ng methane gas o bomba mula sa terorista.
Maghihintay ang taumbayan. Mapagpasensiya naman sila kahit mabagal ang mga otoridad. Sana, walang sablay at hindi pagdududahan ang resulta ng imbestigasyon. Huwag madaliin at baka pumalpak. Ika nga, slowly but surely. Sana, makagawa rin ng hakbang ang mga awtoridad na hindi na ito maulit. Asahan na mayroon itong epekto sa tiwala ng mga dayuhang namumuhunan na narito na sa bansa at sa mga nais pang magtungo rito.