Malabo ang Cha-cha

PINAG-UUSAPAN na naman ng mga mambabatas ang Charter change (Cha-cha). Pero barado agad dahil hayagang tinutulan ito ni President Noynoy Aquino. Tiyak na hindi uusad ang Cha-cha dahil sa pag-ayaw ni P-Noy.

Bukod dito, tiyak na tatanaw ng utang na loob ang ilang senador na naging bahagi ng Team P-Noy sa katatapos na midterm elections. Mahirap makumbinsi si P-Noy na isulong ang Cha-cha dahil nabuo at binalangkas ang 1987 Constitution sa ilalim ng kanyang ina na si yumaong Pres. Cory Aquino.

Mahirap pagkatiwalaan ng publiko ang pagsusulong ng Cha-cha dahil malamang na baka ang mangibabaw na naman sa amyenda ay ang interes ng mga pulitiko. Ilang beses nang isinulong ang Cha-cha pero nabisto ang tunay na motibo ng ilang pulitiko. Gusto lang nila maalis ang limitasyon sa termino.

Kung pag-uusapan naman ang isyu ng amyenda para sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa ay hindi pa rin tayo nakakatiyak na mapapabuti ang Pilipinas. Mas makakabuting kalimutan na muna ang Cha-cha. Napakaraming batas ang kailangang maipatupad nang maayos.

Sapat na ang mga batas na umiiral ngayon. Hindi lang naipapatupad nang maayos lalo na ang mga may kinalaman sa reporma sa pagpapabuti ng ekonomiya ng bansa. Kahit hindi magkaroon ng Cha-cha, maalis lang ang red tape at mapagbuti ang peace and order ay maraming dayuhang investor ang pupunta rito.

Madalas na nakapagdudulot ng dismaya sa mga dayuhang investor ang paiba-ibang sistema at patakaran kapag nagpapalit ng administrasyon sa bansa. Sana ay mabago na ang ganitong sistema na kahit sino ang maupo ay hindi magbabago ang patakaran sa gobyerno.

 

Show comments