Bakit mahusay ang sekretarya?

SI Arnold Bennett, isang sikat na British novelist, ay may publisher na madalas magkuwento tungkol sa kanyang sekretarya na ubod daw ng husay magtrabaho. Kaya isang araw na nasa opisina siya ng kanyang publisher ay sinadya niyang makipagkuwentuhan sa sekretarya nito.

“Madalas kang ikuwento ng boss mo”, bungad ni Arnold sa sekretarya.

Napangiti ang sekretarya. “Ano ho ang sinasabi niya?”

“Pulos papuri. Wala na raw siyang makikitang kasing efficient mo. Ang alam ko ay maselang boss ang iyong amo pero napahanga mo siya. Ano ba ang sekreto mo?”

“Naku sir, wala akong sekreto. Sa palagay ko ay siya ang may itinatagong sekreto dahil ang lahat ng kanyang nagiging sekretarya ay mga mahuhusay.”

“Ano bang klaseng boss ang iyong amo?”

Napatigil ang sekretarya. Halatang pinag-iisipan kung ano ang isasagot.

“Binibigyan niyang halaga ang aking mga ginagawa kahit pa kung minsan ay napakaliit itong bagay. ‘Yun bang lagi niyang pinupuri ang aking mga accomplishment. Sa kagustuhan kong huwag siyang mabigo sa expectations niya sa akin…lalo kong pinagbubuti ang aking trabaho. Sinisikap kong huwag pumalpak sa aking mga ginagawa dahil nakakahiya sa kanya.”

Tumango-tango si Arnold Bennett. Iyon ang sekreto ng kanyang publisher kaya lagi siyang nagkakaroon ng mahusay na sekretarya.

Show comments