4/22/13

BUKOD marahil sa aking kaarawan at pagsilang ng aking anak, ang Abril 22, 2013 ang isa pang petsang hindi ko malilimutan. Noong araw na iyon ay nakakita ako ng milagro at anghel sa lupa. At lubusan kong naintindihan kung bakit hindi kaagad sinasagot ng Diyos ang ating mga dasal - hindi dahil ayaw niyang ibigay sa atin ang ating kahilingan, kundi dahil siya ang nakakaalam ng perfect timing para ibigay ito sa iyo. At madalas ay may mas maganda Siyang rason at misyong nais niyang matamo natin sa proseso ng ating paghiling - ang magkaroon ng pasensiyang hindi nauubos, at ng pananalig na sa ating patuloy na pagdarasal ay ibibigay Niya ang ating inaasam.

Ito ang napagtanto ko noong Lunes. Matapos ang halos limang taon ng pagdarasal para sa kidney ng isang taong malapit sa akin. Finally ay ipinagkaloob  na rin ng Diyos at naganap ang pinakahihintay naming kidney transplant operation. Nagfasting and prayer ako ng isang linggo para sa nasabing operasyon.

Nagsakripisyo ako at nagdasal na sana ay maging maayos ang lahat upang madugtungan ang buhay at tuluyan ng matapos ang paghihirap nitong taong pinakamamahal ko. At hindi naman ito ipinagkait ng May Kapal. Dahil successful ang operasyon ay maituturing na siyang graduate sa dialysis. Nakakaihi na ulit siya matapos ang limang taong pagsailalim sa dialysis upang malinis lamang ang kaniyang katawan at dugo. At higit sa lahat ay maiinom na rin niya ang lahat ng tubig na gusto niya.

Matapos tingnan ang kalagyan niya post-operation ay sunod kong binisita ang donor niya - ang sinasabi kong anghel na ipinagkaloob sa amin. Ang taong ito ay ni minsan ay hindi naospital, ganoon siya kalusog. At ni hindi nagdalawang-isip na icommit ang isa niyang kidney at talagang buo ang loob na tumulong. Nalaman kong 2009 pa pala nalaman na match siya pero kahit apat na taon na ang lumipas ay hindi nagbago ang kanyang isip. Nang makausap ko siya at tanungin kung bakit at papano siya napapayag, ang sagot lamang niya ay “Gusto kong may magawang mabuti sa mundong ito.” Hindi ko maipaliwanag kung gaano kalaki ang utang na loob at pasasalamat ko sa kanya dahil sa sakripisyo niya. Pakiramdam ko ay walang sasapat na mga salita upang maipahatid ko kung gaano kalaki ang aking pasasalamat sa kanya. Ganoon pala iyon kapag buhay na ang ipinagpapasalamat mo. Hindi bagay, regalo, pera o trabaho. Buhay. Walang tutumbas na salita.

Salamat Panginoon dahil tapos na ang mga araw ng walang humpay na pagtuturok at “tagtuyot.” Salamat sa mga pamilya at kaibigang nagdasal ng taimtim para sa kaniya. Salamat dahil hindi mo kami iniwan sa labang ito. Salamat dahil ipinakita mo sa amin na kung minsan ay may pagdaraanan talaga kaming mga pagsubok upang mas tumibay ang aming pagkatao at samahan - at na madalas, ang mga mismong pagsubok na ito ang iyong paraan upang matupad ang  aming misyon sa lupa. 

Lord, salamat po. Ngayon, masasabi kong “mission accomplished!”

Show comments